Impluwensiya ng Lipunan, Kaya nga bang Pigilan?

Seks. Sibak. Jakol. Tamod. Blowjob. Pussy. Tits. Hawak. Masarap.

Nakuha ko na ba ang atensiyon mo? Ito nga ba ang ilan sa mga salitang kailangan mong mabasa upang ituloy mo ang iyong pagbabasa sa blog entry kong ito? Sabik ka na bang makipagtalik? Sabik ka na bang makabasa ng isang kuwento ng pagpapantasya sa larangan ng pagtatalik? Masarap nga bang magjakol? O, ‘di kaya’y mas masarap ba siyang ifinger? Puwede rin siguro nating ikonsidera ang pagdila na lamang sa kanyang… alam mo na.

Kung “oo” ang sagot mo sa lahat ng tanong ko, hindi ako sigurado kung matutuwa ka o mabibigo ka sa mga susunod mong mababasa sa blog kong ito.

Hindi ito kuwento ng pagpapantasya. Wala rin itong kasamang bidyo ng dalawang indibiduwal na nagtatalik. Ito’y tungkol sa aking pagninilay sa programang humubog ng aking pagkatao noong ako’y nasa Mataas na Paaralan ng Ateneo de Manila. Naniniwala ako na hindi lamang mahalaga ang aking mga susunod kong salita sa mga mamamayan ng Pamantasan ng Ateneo de Manila, ngunit ito’y mahalaga rin maging sa lahat ng mga indibiduwal (lalo na para sa mga mag-aaral) na may kaugnayan sa mga Katolikong paaralan sa buong Pilipinas.

Nagtapos ako ng mataas na paaralan bilang Kinatawan ng Antas (Batch Representative). Dahil na rin sa aking posisyon kaya nama’y marami talaga akong nalalaman tungkol sa mga kalebel ko ng antas. Sa huling pagkakaalam ko, ang aking antas ay binuo ng 565 na mag-aaral mula sa labing-apat na mga klase. Dahil sa hindi ko na mabilang na rami ng aking mga kaantas, talaga namang ‘di ko sila lahat makikilala ng lubusan. Ngunit, masasabi kong kilala ko marahil ang walumpung bahagdan ng aking mga kaantas. Higit pa rito, kaya kong ipagyabang na kilala ko at kaya kong tukuyin ang tipikal na Atenistang kaantas ko na galing sa mataas na paaralan.

Higit pa rito, alam ko kung ano ang patok o uso na gawain para sa kanila. Masasabi kong higit sa pag-iinom ng alak, naging uso rin ang pagyoyosi o paggamit ng electronic cigarette. Ngunit, wala man akong ebidensiya, may mga naririnig akong bahagi ng minorya lang naman ng aking antas na nagiging sangkot sa ganitong mga bisyo. Alam ko rin na halos lahat ng pangungusap na lumalabas sa bibig ng karamihan sa aking mga kaantas noon ay nagsisimula sa mga katagang: “‘Tang ina, gago.” Para bang naging bahagi na talaga ang mga salitang ito ng bawat pangungusap na lalabas sa aming bibig. Mayroon pa nga akong mga balitang narinig na si Pedro (‘di niya tunay na pangalan) raw ay ilang beses nagkapregnancy scare sa syota niya noon. Biruin mo ‘yon, sa murang edad pa lamang, nagawa nang gawin ng taong ito ang isang bagay na ginagawa lamang dapat ng mag-asawa. Oo nga pala, para naman sa mga kunwari ay inosenteng tahimik diyan, alam ko ring kilala niyo si Tori Black, isa siya sa mga sikat na pornstar na maraming bidyo sa website ng “YouJizz.”

Bago ko nga pala makalimutan, ayon sa misyon at haraya (vision) ng Mataas na Paaralan ng Ateneo de Manila, humuhubog ito ng mga mag-aaral na nagtataglay ng 5 C’s na tinatawag nilang Christ-centeredness, Compassion, Commitment, Conscience at Competence.

Gusto kong bumalik sa usapin ng seks. Noong nakaraang linggo, nagkuwekuwentuhan kami ng isa kong kaibigan mula sa isang kilalang Katolikong paaralan sa siyudad ng Maynila. Tinatanong niya ako kung bakit tuwing nakaririnig daw siya ng isang maruming patawa (green joke), “nagegets” daw agad ito ng mga Atenista (galing sa mataas na paaralan).

Tinanong niya ako kung talaga bang ganun ang aming mga isip – marumi? Tinanong din niya ako kung bakit karamihan sa mga Atenista ay ginagawa iyong “up and down motion.” Hindi nga niya kayang banggitin nang diretsahan ang salitang “jakol.” Para sa kanya, sobrang mali ang paggawa sa bagay na ito. Sa akin naman, kung sa bagay, alam din naman nating lahat na kasalanan sa Maykapal ang “magjakol.”

Napaisip ako nang malalim noong mga oras na iyon. Noong nasa mataas na paaralan kasi ako, parang normal lang na lahat kami ay nagmumura. Normal lang na lahat kami ay marumi ang isip. Normal lang sa amin ang gawain ng pagjakol. At dahil nga kinatawan ako ng aking antas, marami rin akong nababalitaan na mga gawain ng seks na nangyayari sa mga kaedad kong mga mag-aaral. Oo nga pala, normal lang din sa amin ang manood ng mga porn o sex videos sa internet. Minsan nga’y dinadala pa ang mga bidyong ito sa silid-aralan. Para bang, naging “natural” o “normal” na lamang sa akin ang makarinig ng mga bagay na ito. Akala ko noon, ‘di talaga kaya pigilan ng anumang programang paghubog ng kahit anong paaralan ang mga impluensiya ng lipunan. Ngunit, nang makausap ko nga ang sinasabi kong kaibigan kong “nalalabuan” sa mga perspektibo at gawain ng mga mag-aaral na galing sa isang katolikong institusyon (Ateneo High School), napaisip talaga ako. Nasaan na ang hinuhubog na mag-aaral na nagtataglay ng 5 C’s na aking binanggit kanina?

Nasaan na ang pagsunod ng aking mga kamag-aral sa utos ng Diyos (Christ-centeredness)? Nasaan na ang compassion ng aking mga kamag-aral sa mga babaeng nagiging biktima ng sex videos? Nasaan ang konsensiya ng aking mga kamag-aral na upang pigilan silang ‘di gumawa ng masama? Nasaan na ang… mga birtud na dapat ay taglay namin bilang mga Atenista? Hindi na rin ako magdidilang-ipokrito sa aking blog na ito. Maging ako man ay nagkasala na rin sa ilan sa mga bagay na binanggit ko. ‘Di ko na iniligtas ang aking sarili ngunit ‘di ko na ring babanggitin ang mga bagay na nagawa kong taliwas sa mga turo ng Maykapal. ‘Ika nga nila, less talk, less mistake.

Dati, tuwing tinatanong ako kung ano ang pinakamalaking bagay na ipinagpapasalamat ko sa aking mataas na paaralan, malugod ko silang sinasabog ng “ang programang paghubog ng Ateneo.” Wika ko pa nga noo’y, “Iba talaga ang formation program ng Ateneo High School.” Ngunit ngayon, napaiisip na talaga ako kung tama pa nga ba ang programang paghubog ng aking paaralan noon?

Dagdag pa pala ng aking kaibigan, hindi lang daw siya ang ‘ika nga niya’y “konserbatibo” sa mga “ganung bagay.” Maging ang kanyang mga kapuwa mag-aaral mula sa kanyang paaralan noon ay konserbatibo rin sa usapin ng seks. Oo nga pala, upang mas bigyang kredibilidad ang “kaibigan” na aking tinutukoy, siya naman ang Pangulo ng Antas (katumbas ng aking posisyon bilang Batch Rep) sa kanyang paaralan.

Napaisip talaga ako noon. Sabi ko sa sarili ko, “Kaya palang pigilan ng paaralan gamit ang mga programang paghubog nito ang panghihimasok ng mga impluensiya ng lipunang ating kinalalagyan ngayon.” May pag-asa pala. Kung sa gayon, mayroon din palang malaking pagkukulang ang aking paaralan noon kung bakit marami sa aking mga kamag-aral ang napariwala sa utos ng simbahang Katoliko. Masama nga pala ang magjakol. Masama nga pala ang kosepto ng “sex before marriage.” Masama nga pala magmura. Masama nga pala manood ng porno. Nakagugulat malaman na “kaya” naman pala labanan ang masamang impluensiya ng ating lipunan.

Ngunit, hindi ko rin naman lubusang isinisisi sa aking paaralan ang kanilang “pagkukulang sa paghubog” sa ‘min upang maging “malinis” na mga mamamayan. Mayroon din kayang pagkukulang ang aming mga magulang sa pagpapalaki sa amin upang sumunod sa ilang utos ng Diyos? Hindi ko talaga alam ang kasagutan. Muli, wala talaga akong lubusang sinisisi. Naniniwala kasi akong kami ring mga mag-aaral ang pumili ng aming mga landas na tatahakin – ang landas na maraming kaugnayan sa seks siguro ang pinili ng karamihan sa amin. Masarap daw kasi iyon. Maging ako siguro’y naimpluensiyahan na rin ng lipunang aking kinalalagyan.

Iba talaga ang mundo, ang bilis ng panahon. Dati raw, mahawakan mo lang ang kamay ng isang babae (kung ikaw ay isang lalaki), kailangan mo na siyang pakasalan. Ngayon, kahit na magseks kayo nang tatlong beses sa isang araw, hindi pa rin ibig sabihin ay mahal niyo ang isa’t isa at gusto niyong magpakasal. Ang buhay nga naman, ‘di mo talaga masasabi ang susunod na mangyayari.

Ngayon kaya, mag-aalas dose na ng madaling araw. Tulog na lahat ng aking mga kasama sa bahay. Mabilis ang aking internet. Gumagana pa ang aking speakers. Ano na kaya ang gagawin ko? Ikaw ang humusga. (Huling Pahayag: Kung nagets mo ang maruming pahiwatig ng talatang ito, marahil ay naimpluensiyahan na rin ng lipunang iyong kinalalagyan ang noo’y inosente mong pag-iisip. Paano? Hindi ko alam.)

Seks. Sibak. Jakol. Tamod. Blowjob. Pussy. Tits. Hawak. MASARAP.

Jesse Brian B. Lui (122398), I – BS ME, FIL 12 – Y

Ang Gabay Sa Pagiging “Sipsip”

Hindi ko na itatanggi ang katotohanan. Ibubunyag ko na ang aking sikreto. Ito na talaga ang katapusan ng aking “pagpapanggap.” Malalaman na ng aking guro na “sipsip” ako. Naku, #PatayTayoRiyan. Hindi naman ako natatakot na husgahan ng aking gurong makababasa ng blog entry kong ito. Tatandaan ko na lamang ang sinabi niya sa aking klase noong nakaraang linggo, “Hindi ko kayo huhusgahan bilang isang tao. Huhusgahan ko kayo bilang isang mag-aaral sa klaseng FIL 12.” Ito na talaga. Ibubunyag ko na ang aking malagim na sikreto.

Ngunit, bago iyon, gusto ko munang magbahagi ng isang maikling kuwento ukol sa aking buhay sa mataas na paaralan na nais kong magsilbi na rin bilang pasakalye sa blog entry kong ito.

Nagtapos ako sa Mataas na Paaralan ng Ateneo de Manila nang may parangal na karangalang banggit para sa kagalingang pang-akademiko noong nakaraang taon (Marso 2012). Isa rin ako sa mga pinakaaktibong mag-aaral sa larangan ng Sanggunian at mga organisasyon. Higit pa rito, hindi ko maitatanggi na isa ako sa ilang mag-aaral na kilala bilang teacher’s pet. Oo, maihahalintulad mo ako sa iyong “sipsip” na kaklase noong mataas na paaralan na gusto mong batukan dahil nakaiirita at nakaiinis. Huwag mo na rin sana tawagin pang “plastik.”

Noong nasa ikaapat na taon ako, naging guro ko sa Tulong Dunong (isang asignatura na binubuo ng mga konsepto’t aral mula sa Edukasyon sa Pamumuhay Kristiyano at Home Economics) si G. Delos Santos (hindi niya tunay na pangalan para sa kanyang privacy). Itinuturing siya ng mga kapuwa kong mag-aaral bilang isa sa mga beteranong guro na hardcore daw.

Noong unang araw ng klase, sinabi na niya na wala siyang mag-aaral na ine-exempt sa huling pagsusulit sa ikalawang (sa loob ng tatlong) termino. Sa panghuling termino lamang daw siya nagbibigay ng exemptions na ngangahulugan ng siguradong ‘A’ na peryodikong marka para sa terminong iyon. Subalit, isa ako sa tatlong mag-aaral na sa pagkakaalam ko’y una niyang in-exempt sa huling pagsusulit noong ikalawang termino pa lamang. Tinanong ko siya, “Ser, bakit po ako na-exempt, e ‘di po ba sa last term lang kayo nagbibigay ng finals exemption?” Wika niya sa akin, “E, ikaw lang ‘yong deserving, e.”

Aba, umabot sa tainga ang ngiti ko noon. Hindi naman sa pagmamayabang, pero bukod kasi sa sipag at talinong ginamit ko noong panahong iyon, gumamit din ako ng ilang taktika para maging estudyanteng “sipsip.” Sa tinagal-tagal ko sa larangan ng pagiging “estudyanteng sipsip,” masasabi kong dalubhasa na ako rito. Ngayon, ikaw naman ang tutulungan kong maging teacher’s pet. Aba, malay mo, dahil sa pagiging “sipsip,” awtomatikong perpekto na ang marka mo sa recitation grade mo. Ito na talaga. Ibubunyag ko na ang malagim kong sikreto.

5… 4… 3… 2… 1… 0

Sisimulan ko ang aking listahan sa mga dapat mong gawin sa unang araw ng klase.

Una sa lahat, kinakailangan ay mag-ayos ka ng hitsura. Lalaki ka man o babae, nararapat lang na kagalang-galang ang iyong hitsura sa klase. Bukod pa rito, pagpapakita ito ng respeto ‘di lamang sa iyong guro at sa asignaturang kanyang itinuturo, ngunit pati na rin sa iyong sarili. Sa madaling salita: dapat ay mukha kang tao.

Ikalawa, kung mag-aatas siya ng class beadle, kung kaya mo ang trabaho ay mabutihin mong magboluntaryo. Mas magiging malapit ka sa kanya dahil ikaw ang opisyal niyang magiging liaison sa klase. Ngunit, kung walang nagboluntaryo sa pagiging beadle at sinabi niyang bibigyan niya ng karagdagang puntos ang magboboluntaryo, huwag mong itataas ang iyong kamay. Magmumukha kang bonus points sa kanya, sa halip ay sundin mo na lamang ang susunod kong ituturong taktika.

Ikatlo, kung may ipinapagawa siya (halimbawa: basahin ang nakasulat/nakaflash sa pisara), agad kang magboluntaryo. Huwag mo itong babasahin nang malumanay (maliban lang kung talagang kinakailangan) kundi ay magmumukha at magtutunog kang parang sirang plaka. Basahin mo ito nang may kasamang damdamin. Kung kailangan mong umiyak, umiyak ka! Kung kailangan mong sumigaw, sumigaw ka! (Huwag ka namang sosobra sa emosyon dahil baka isipin naman ng iyong guro at mga kaklase ay humihithit ka ng damo.) Sa pamamagitan nito, maaalala ka agad ng iyong guro. Dagdag pogi (o ganda) points na agad iyon.

Ikaapat, huwag ka masyadong magtatanong ukol sa paraan ng pagmamarka o grade system na malamang ay kanyang tatalakayin ayon sa syllabus. Tingnan at basahin mo na lang ang syllabus ng kanyang klase. Iwasan mo masyadong magtanong ukol sa paraan ng pagmamarka kundi ay magmumukha kang “naghahabol lang ng marka.” Baka isipin ng iyong guro na hindi siya (oo, nagma-matter ito) o ang kanyang kursong ituturo ang iyong interes kundi’y ang iyong markang makukuha lamang. Mali iyon, bawas pogi (o ganda) points iyon.

Siguro, tapusin mo na lamang ang araw na iyon sa pamamagitan ng pamamaalam at pasasalamat sa iyong guro. Kung may pagkakataon, lapitan mo siya bago pa siya makalabas ng silid-aralan at doon mo siya batiin. Malaking bagay iyon sa kanila na malamang may ilang estudyante pa pala na nagmamalasakit at nagpapahalaga sa kanilang mga guro.

Ang susunod ko namang ituturong mga taktika ay kailangan mong gawin sa bawat sesyon ng klase (o kahit sa labas pa ng klase). Sa madaling salita, kinakailangan mo gawin ang mga ito nang paulit-ulit upang maalala ka at sana’y magustuhan ka ng iyong guro bilang kanyang estudyante.

Una, tuwing makikita mo siya, batiin mo siya. Hindi ito pagiging sipsip. Isa lamang itong pagbibigay respeto at pagpupunyagi sa iyong guro bilang isang bayani na iginugugol ang kanyang buhay upang makapamahagi ng galing at talino sa kanyang mga mag-aaral.

Pangalawa, tuwing may tanong siya (lalo na kung wala kang kaklaseng gusto o kayang sumagot ng kanyang tanong), agad kang magboluntaryo upang sagutin ito. Siguraduhin mo rin naman muna na mayroon kang maisasagot na may kabuluhan. Kahit hindi ito lubusang tama, basta lagi kang nagtataas ng iyong kamay, makikita ng iyong guro ang iyong kasipagan o effort. Minsan nga, sa pagbibigay ng ilang maling sagot at tuluyang pagtataas pa rin ng kamay, matutuwa pa ang iyong guro sa ’yo. (Nakatutuwa raw kasi iyon dahil medyo ‘makulit’ na ‘kyut’ kang tingnan.) Siguraduhin mo nga pala ang pinakauna kong payo – dapat ay mukha kang tao. Dahil kung hindi, baka mainis lang sa ‘yo ang guro mo. Haha!

Pangatlo, tuwing may tinatalakay siyang paksa o konsepto, naiintindihan mo man o hindi, kailangan ay tumingin ka lang lagi sa kanya. Kasama na rin sa diskarteng ito ang pag-iwas sa paggamit ng mga selepono kahit pa man hindi ito ipinagbabawal. Iwasan din ang pakikipag-usap sa mga katabi. Respeto lang din ‘yan, pare. Nagsasalita ang iyong guro; makinig ka. Higit pa sa akto ng pagtingin sa kanya, mabutihin mo ring sanayin ang sarili mo na tumango (upang magbigay ng simbolo ng pag-intindi o kumbaga ay “wow, ang galing ni Ser” factor) habang nagtuturo siya.

Pang-apat, kung nariyan lang sa tabi ang iyong guro, lalo na kung Literature o Filipino ang asignaturang kanyang itinuturo at lumapit ang iyong mga kaklase upang magtanong ukol sa babasahin, huwag mo siyang titingnan. Sagutin mo lamang ang iyong mga kaklase sa kanilang mga katanungan at ipakita o iparinig mo sa iyong guro na binasa at inintindi mong mabuti ang babasahin. Sinabi kong huwag mo dapat siyang tingnan upang hindi ka magmukhang “nagpapakitang tao” o “nagpapakitang estudyanteng masipag” lamang. Kunwari, ‘di mo siya nakita, sadyang tinutulungan mo lamang ang iyong mga kaklaseng nahihirapan sa asignaturang ito.

Panlima, matuto kang mag-notes! Ipakita mo sa iyong guro na talagang interesado ka sa kanyang itinuturo. Medyo self-explanatory na ata ang rason ng puntong ito. Basta, kopyahin mo na lang lagi ang nasa pisara!

Pang-anim, ‘pag nag-joke ang iyong guro, tumawa ka! Hindi naman sapilitang tawa na may halong pagiging sarkastiko ang iyong gagawin. Basta tumawa ka na lang! Makisali ka na lang sa uso, ‘ika nga nila.

Pampito, maging Magis kang estudyante. Tulad ng sabi ni San Ignacio de Loyola, “Do more, be more!” Kung nag-atas siya ng takdang aralin sa iyong klase, gawin mo ang lahat upang mag-stand out ang iyong gawain. Kung “isang salita mula sa diksiyonaryo” lamang ang hinihingi, ilagay mo na rin pati ang depinisyon nito, ngunit huwag mo rin kalilimutang banggitin ang iyong sanggunian. Subalit, may hanggahan din naman ang pagiging Magis, ‘pag sinabing “minimum of 50 words, maximum of 100 words,” huwag ka namang magbibigay ng 200 na salita. Ang tawag naman diyan ay “hindi pagsunod sa tamang panuto.”

Pangwalo, importante ito sa impresiyon ng iyong guro sa iyo. Kung mataas ang iyong marka sa mga pagsusulit na binibigay niya, huwag ka masyadong magtatanong ukol sa iyong mga grado. Subalit kung mababa ang iyong mga marka sa kanyang mga pagsusulit, magtanong ka ukol sa iyong mga grado at tanungin mo kung mayroon ba siyang maipapayo sa iyo upang gumaling ka sa kanyang asignatura. Ganito kasi ‘yan, kung mataas na nga ang mga marka mo at tanong ka pa nang tanong ukol sa iyong grado, baka isipin ng iyong guro na grado lang ang habol mo sa kanyang asignatura. Samantala, kung mababa ang iyong mga marka, kailangan mong ipakita sa iyong guro na may pagmamalasakit at pagpapahalaga ka sa asignatura niya at gagawin mo ang iyong makakakaya upang pumasa at makakuha rito ng mataas na marka.

At para sa aking pansiyam at panghuling payo para sa iyo: SUNDIN MO ANG AKING MGA PAYO. ‘Yan ang mga bagay na nakasanayan ko na sa pang-araw-araw kong pakikisalamuha sa iba’t ibang guro sa katagalan ng aking buhay mag-aaral. Masasabi ko namang hanggang sa pagsusulat ko ng blog entry kong ito, epektibo pa ang mga taktika ko.

Nagbigay ako ng ilang payo ayon sa aking karanasan bilang isang estudyante, bilang isang dakilang sipsip. Ikaw, handa ka na ba maging isang estudyanteng sipsip? Wala namang masama sa pagiging sipsip, ‘di ba?

Ikaw ang humusga. Naku po! Alam na ng aking guro sa Filipino ang mga taktika kong ginagamit upang maging… SIPSIP.

Jesse Brian B. Lui (122398), I – BS ME, FIL 12 – Y