Sapak, Gusto Mo?

Ang blog entry kong ito ay magsisilbi bilang aking Pagsasanay Bilang 13 na humihingi ng isang malikhaing pagpapakilala sa isang salitang Filipino na mapanganib na mabura (o nabura na) sa ating alaala. Mahalaga umanong nagbubunyag ito ng natatanging halagahan ng ating bayan.

Madali lang maghanap ng mga salitang malapit nang mabura sa ating alaala, o ‘di kaya’y mga salitang ngayon pa lang natin unang maririnig. Ang naging problema ko lang ay ‘yong kailangan umano nitong magbunyag ng natatanging halagahan ng ating bayan. Hmm, ano kaya?

Bingo! May nahanap na rin akong salita.

libon-libon png [ST] 1: pagsasalita ng mga walang katuturang bagay 2: pagbabalik kung saan nagmula, sinasabi rin sa tao na paikot-ikot magsalita (mula sa UP Diksiyonaryong Filipino)

Nakuha ng salitang ito ang atensiyon ko, ngunit hindi ko pa rin lubusang makita ang halagahan nito sa ating bayan. Hindi ko muna isinaalang-alang ang halagahan na criterion na ‘yan, tumuloy ako sa ideya ipakilala ang naturang salitang parang ngayon ko lang naengkuwentro.

Naisip kong gumawa ng isang pagpapakilalang gagamitin ang mga natutunan kong aral sa Sining ng Pakikipagtalastasan II (FIL 12) sa ilalim ni G. Edgar C. Samar. (Nako, mahiya naman ako kung mediocre blog lang ang gagawin ko. Huling pagsasanay na namin ‘to, kailangan ipakita ang effort!)

Laman ng blog na ito ang mga gawaing binatay ko sa mga naunang pagsasanay. Nagsilbing inspirasyon ang mga sumusunod: Pagsasanay Bilang 6 (6×6 ng Cubao 1980) at Pagsasanay Bilang 12 (Tanaga, Dalit, Diona).

Bago ka maexcite sa gagawin ko, balikan mo muna ang salita na napili kong ipakilala (o muling buhayin): libon-libon na nangangahulugang “pagsasalita ng mga walang katuturang bagay.”

“6×6 ng Salitang ‘Libon-libon'”

Isang salitang ngayon ko lang naengkuwentro,

Wala umanong katuturan ang kanyang sinasabi.

Ano’ng sinabi ko? Nagsasalita ang salita?

Naku, walang kuwentang usapan na ‘to.

Nakaiinis. Ano bang kahulugan ng “libon-libon?”

Ito, piso. Bumili ka ng kausap mo.

Ngayong naipakilala ko na sa iyo ang kahulugan ng salitang “libon-libon,” bigyan mo ako ng pagkakataon upang mas ipakilala pa ito sa iyo. Sana’y sa pamamagitan ng mga gagawin kong uri ng tula (tanaga, dalit, diona), mas maitatak ko sa iyo ang kahulugan ng salitang ito. Higit pa rito, nais kong magsilbing isang alaala ang blog entry kong ito na: walang katuturan. Pansining hindi lamang ordinaryong dalit o tanaga o diona ang aking mga gagawin, mayroon din itong mga tugmaan.

Tanaga ng Bansa

Maitim daw ang Aeta.

Ang seksi ng hita n’ya.

Litson niyang ‘di mataba,

Natuto raw maglaba.

Dalit ng Bibig

Sabi n’ya, mukha kang ubo.

May nalanghap akong tao.

Sumigaw siya, “Super Inggo!”

Sabi ko, “‘Tang ina, gago.”

Diona ni Anna

Itim ang kanyang ipit.

Pinokpok pa ng adik,

Tanga nga raw ang biik.

Ano raw? Sa unang pagkabasa mo ng mga tula, akala mo walang katuturan ang mga salitang bumubuo sa aking mga ito. Subukan mong ihighlight ang buong teksto.

Mayroon bang pinagkaiba? Wala pa rin, ‘di ba? Hahaha! Oo, wala talagang katuturan ang mga sinasabi kong ‘yan. Nais ko lang gumawa ng ilang mga tulang may sukat at tugma base sa mga kilalang pamantayan ng mga uri ng tulang nabanggit.

Naiinis ka ba? Puwes, paumanhin kung gayon. Nais ko lamang ipakilala ang salitang aking napili. Kung nakaiinis ang alaalang ito sa iyo, sana’y tandaan mo na may isang salitang libon-libon na kahit minsan sa buhay mo ay pinainit ang ulo mo.

Kung ‘di ka naman nainis sa mga tulang iyon, marahil ay open minded ka sa mga bagay-bagay. ‘Di mo nililimitahan ang sarili mo sa mga dekahong kumbensiyon ng mga bagay-bagay. Sa ating panahon ngayon, karaniwan lamang ang magsalita nang may katuturan. Ngunit, subukan mong magsalita nang walang katuturan, baka sabihan ka ng, “Ito, piso. Bumili ka ng kausap mo.”

Babalik nga muli ako sa halagahan nito sa bayan. Isasalaysay ko na lang ang kuwento ng aking ina noon sa akin.

Noong araw daw, wala pa ang mga telepono, selepono, at iba pang mga modernong gadgets para sa komunikasyon. Kahit daw ang telegrama noon, napakatagal upang dumating sa paroroonan nito. Dahil doon, mayroong sistema noon na kakaiba. Ganito iyon. Kunwari, may ipadadala kang mensahe kay nanay, isusulat mo itong mga salitang ito, at ipadadaan mo sa kumbaga noo’y post office ng lokasyon mo. Sila ang magtatayp ng mga letrang ito upang ipadala ang mensahe sa post office ng lokasyon ng nanay mo. Ano ang kakaiba rito? Ang kanilang pagsingil ay base sa dami ng letra na iyong gagamitin sa liham mo.

Ano ang koneksiyon nito sa aking salitang “libon-libon?”

Ipinakikita ng prosesong ito na malaki ang pagpapahalaga noon (kahit pa man ngayon) ng mga tao sa salita o sa mga sinasabi ng isang indibiduwal or grupo ng mga tao. Naipakikita rin nito ang halagahan ng pagkakaroon ng sense kausap ang bawat taong iyong kakausapin. Higit pa rito, napakahalaga ang bawat letrang ginagamit noon, lalo na sa mga mala-telegramang mensahe. Kung hindi mo aayusin o bibigyan ng katuturan ang mga sinasabi mo, baka ‘pag lingon mo lang ng iyong likuran, masapak na ang iyong mukha pagbalik mo ng tingin. Mayroon tayong nosyon ng may katuturan at walang katuturan na mga salita.

Para sa karamihan sa atin, hindi pa rin katanggap-tanggap ang pagsasabi ng mga bagay na walang katuturan. Maging ako rin, kung kakausapin mo lang ako upang sabihin ang mga bagay na wala namang katuturan, baka masapak lang kita dahil sinasayang mo ang oras ko.

Gayunpaman, h’wag nating kalilimutan na lahat tayo’y may iba’t ibang perspektibo ukol sa mga bagay-bagay. Ang walang katuturan para kay Juan ay maaaring may katuturan para kay Adan. Ngayon, ikaw ang tatanungin ko, mayroon bang katuturan ang blog entry kong ito?

Para sa akin, mayroon. Ginamit ko kasi ang mga natutunan kong konsepto’t aral sa aking klase. Higit pa roon, mas nabigyang atensiyon ko ang pagkakaroon ng katuturan ng ilang mga bagay. Nabigyang liwanag ko rin na mayroon tayong iba’t ibang pananaw ukol sa kung ano ang may katuturan at wala.

Sa pagtatapos ng araw, kumain nang marami corndog si Kulas upang lagyan ng garlic mayo ang orasan ng Ermita. Lumipad ang pikhuku nang mataas upang sagipin ang stapler ni Kulas.

Libon-libon: pagsasalita ng mga walang katuturang bagay

Sanggunian:

Almario, Virgilio S., ed. UP Diksiyonaryong Filipino. Revised ed. Pasig City: Anvil Publishing, 2010.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s