Bakit Ako #Nag-SamarTakeTwo?

Tuwing enlistment period ng mga mag-aaral ng Mga Paaralang Loyola ng Pamantasan ng Ateneo de Manila, hindi naming maiiwasan ang magtanong-tanong ukol sa mga guro ng bawat kurso upang malaman namin kung sino ang aming agad na icli-click sa aming mga AISIS account. Dahil na rin sa Facebook, nagagawa naming magkaroon ng mga kumbaga’y maliliit na open forum ukol sa mga guro. Kunwari, magpopost ako sa Facebook group ng aking mga kaantas, isusulat ko, “Hey guys! 🙂 How is Samar for Fil12?”

Isa sa aking mga sa aking mga screenshot na usapan ukol kay G. Samar. Nicensore ko ang mga pangalan at mukha na aking nakita.

(1) Isa sa aking mga screenshot na usapan ukol kay G. Samar. Ni-censore ko ang mga pangalan at mukha na aking nakita.

(2) Isa sa aking mga sa aking mga screenshot na usapan ukol kay G. Samar. Nicensore ko ang mga pangalan at mukha na aking nakita. 'Yung bandang naka-X, hindi si G. Samar ang pinag-uusapan, kundi ang "Econ prof" na nauna na ring binanggit ng nagpost.

(2) Isa sa aking mga screenshot na usapan ukol kay G. Samar. Ni-censore ko ang mga pangalan at mukha na aking nakita. ‘Yung bandang naka-X, hindi si G. Samar ang pinag-uusapan, kundi ang “Econ prof” na nauna na ring binanggit ng nag-post.

(3) Isa sa aking mga screenshot na usapan ukol kay G. Samar. Nicensore ko ang mga pangalan at mukha na aking nakita.

(3) Isa sa aking mga screenshot na usapan ukol kay G. Samar. Ni-censore ko ang mga pangalan at mukha na aking nakita.

Aba, magdadagsaan na ang mga like at comment ukol kay G. Samar. Bagaman iba-iba ang mga pananaw ng bawat mag-aaral ukol sa isang guro, nabibigyan kami ng ideya kung anong klaseng guro ang isang ispesipikong tao. Narito ang ilan sa mga kadalasang tanong namin bilang mga estudyante:

Is he an easy-A? (Madali bang makakuha ng markang A sa klase niya?)

Does he curve? (Isinasaayos niya ba ang mga marka ng kanyang mga estudyante upang kahit na mababa ang mga ito, magiging mataas ang mga ito pagdating ng panghuling marka?)

Is he fun? (Masaya ba ang mga diskusyon ninyo sa klase?)

Is he terror? (Sadista ba siya magbigay ng grado o ‘di kaya naman ay sandamakmak na trabaho ang kanyang ipinagagawa sa napakaliit na takdang oras lamang?)

Hindi ko direktang sasagutin ang mga katanungan na iyan, ngunit bibigyan kita ng ilang dahilan kung bakit ko nga ba muling pinili si G. Samar para sa kursong Panitikan ng Pilipinas. Kung tutuusin, mayroon pa akong dalawang pagpipilian noon, si G. Francisco Carlota (madali umanong makakuha ng markang A sa kanyang klase) at si G. Michael Coroza (na isa umanong napaka-interactive na guro). Bago pala ang aking listahan, nais ko munang bigyan ng pambungad ang pangalan na “Edgar Calabia Samar” sa paningin ng karamihan sa aking batchmates na naging guro siya sa Sining ng Pakikipagtalastasan I o Sining ng Pakikipagtalastasan II.

Kilala siya bilang isang “terror” na guro. Nakatatakot daw siya magbigay ng mga pagsusulit. ‘Yung tipong mga tanong daw na magpapadali sa buhay mong makakuha ng markang D o F sa kanyang mga mahabang pagsusulit ang mga makaeengkuwentro mo.  “Weird” din daw ang mga pinapagawa niyang pagsasanay. May mga babasahin din daw siyang “shocking” para sa ilang napakakonserbatibong tao. Higit pa rito, minsan daw ay nakadudurog ng puso ang pagkakaroon ng rejected blog entries ng ilan niyang mga naging estudyante. Gayunpaman, marami rin naman ang nagsasabi na isa s’yang kakaibang (sa mabuting paraan) guro na talagang masusulit mo raw ang binayad mo sa iyong tuition fee. Talagang matututo ka raw sa kanyang mga diskusyon. Higit pa rito, ginagawa raw niya ang kanyang makakaya upang pataasin ang mga panghuling marka na ibibigay niya sa inyo (hindi ito sa pamamagitan ng konseptong alam natin ukol sa “curving“). Ngayon, handa na akong ibigay ang aking tatlong pangunahing dahilan ko kung bakit ako #Nag-SamarTakeTwo.

Ito’y isang litrato ni Ginoong Edgar Calabia Samar. (Mula sa: http://farm1.staticflickr.com/112/314777503_90803bd0a3_z.jpg?zz=1)

#HindiTipikalNaGuroSiGinoongEgaySamar. Marami kang matututuhan sa kanya na “kakaiba.” Ibig kong sabihin, hindi s’ya iyong tulad ng karamihan sa mga guro natin na magtuturo ng mga bagay-bagay na kumbensiyonal na magdudulot sa iyong: mangopya gamit ang iyong kuwaderno at aralin ang nakopya sa bahay sapagkat magkakaroon ng maikling pagsusulit ukol sa mga bagay na iyong kinopya – aka memoryadong mga pagsusulit, ‘ika nga ng iba. Bibigyan ka niya ng mga pagkakataon bilang isang mag-aaral na itaguyod (at lumiha ng sarili mong) ang sining at panitikan. Mayroon siyang mga “pagsasanay” na tuturuan kang gumawa ng mga tula na may ispesipikong mga kahingian (dalit, diona, tanaga, may/walang impit, malakas/mahinang tugmaan, at iba pa). May nalalaman pa siyang mga pagsasanay kung saan gagamitin mo ang mga typographical elements ng pipiliin mong salita upang gumawa ka ng larawan na may koneksiyon sa salitang napili. Mayroon din siyang mga babasahin na “kakaiba.” Tulad na lamang ng pinabasa niya sa amin na “Cubao 1980” ni Tony Perez. Iyong babasahing iyon ang nagmulat sa mata ng karamihan sa aking mga kaklase sa mundo ng, sabihin na lang nating, “medyo R-18.” Gayunpaman, hindi naming ito sinuri bilang isang malaswang teksto. Tiningnan namin ang teksto bilang isang produkto ng panitikan na may sariling mithiin o layunin. Higit pa sa mga ito, mayroon din siyang mga pagsasanay na… #NoToSpoilerAlert. Kunin mo na lang siya bilang iyong guro sa susunod na pagkakataon upang magkaroon ka ng sarili mong #SamarExperience.

#HindiBoringAngMgaDiskusyonSaKlaseNiGinoongEgaySamar. Hindi ito ang klase na wala kang mapapala kung pumasok man o lumiban ka sa klase. Dahil na nga sa pagkakaroon ng mga “kakaibang” pagsasanay at mga babasahin na tinatalakay namin sa klase, nagiging interactive ang kanyang klase. Oo nga pala, sa simula ng bawat sesyon, nagbabahagi siya ng excerpts mula sa mga tula, kuwento, o anumang produkto ng panitikan na nais niyang ibahagi sa personal na ring kadahilanang gusto niyang payamain ang sense of culture ng kanyang mga mag-aaral. Bago ko makalimutan, isa rin pala siyang Palanca Awardee para sa ilang akda na isinulat niya. Balita ko nga, magsusulat na naman siya ng panibago niyang nobela, abangan niyo ‘to! Dahil na rin siguro sa kanyang natural na pagiging isang “manunulat” kaya sanay siyang “magdala” ng mga sesyon sa klase na marahil ay nagiging bahagi ng isa niyang aklat na kasulukuyan pa rin niyang binubuo na tatawagin na lamang natin sa bansag na, “Ang Mga Engkuwentro ni Egay sa Kanyang mga Mag-aaral.” Ayon sa ilan kong mga kakilala, kinukuha na lamang nila ang ilang guro sa kadahilanan na mataas ito magbigay ng marka, o ‘di kaya nama’y mabait, ngunit karaniwang reklamo naman nila ang “Boring ang klase.” Kahit pa pala sa labas ng klase, ‘di rin boring ang buhay sa ilalim ni G. Samar. Kakailanganin mong magpasa ng apat na tanggap (oo, minsan ay nare-reject) na malikhaing blog entries (na tatalakayin niya pa nang mas detalyado sa Schola Brevis) sa kahabaan ng semestre. Ang mga ito ang magsisilbing iyong pakikilahok sa klase o recitation grade. Sa pamamagitan nito, nabibigyan ka ng pagkakataon gamitin ang iba’t iba mong talento o kaisipan upang makakuha ng puntos para sa pakikilahok sa klase na kadalasan ay dalawampung bahagdan ng iyong kabuuang panghuling marka. Kung kukunin mo si G. Samar bilang iyong guro, #BoringClassesNoMore.

#MahirapMakakuhaNgMarkangFSaKlaseNiGinoongSamar. Mas madali pa ngang makakuha ng markang A kumpara sa markang F. Hindi ako nagbibiro. Oo, nakakuha ako ng markang A sa klase ni G. Samar noong nakaraang semestre (FIL 12). Mayroon siyang kakaibang sistema ng pagmamarka ng mga gawain/pagsasanay ng kanyang mga mag-aaral. Base pa rin naman ito sa sistema ng paggamit ng QPI sa Ateneo de Manila. Gayunpaman, mas nakatutulong ang kanyang sistema upang makakuha ka ng mas mataas na marka. Ayaw ko sanang direktang sabihin dito ang sistema ni G. Samar dahil magmumukhang ni-record ko lamang ang kanyang sinabi noong Schola Brevis, ngunit para na lamang sa mga hindi nakaaalam: karamihan sa inyong mga gawain ay magtuturing sa markang 4.00 bilang ang pinakamataas na marka na posibleng makuha. Kunwari, mayroon kayong 20-point quiz, bawat numerong maitatama mo ay may puntos na 4.00/20=0.2. Dahil dito, limang (5) tamang sagot lamang ang iyong kinakailangan upang makakuha ng markang 1.00 na katumbas ng isang D (pasang-awa). Samantala, sa pangkaraniwang grading system, ang pasang-awang marka sa isang 20-point quiz ay 14 (70% = D). Sa dulo ng semestre, ia-average niya ang inyong mga marka at nasa kanya na ang desisyon depende sa iyong ipinakitang galing (o interes siguro) sa klase niya kung pipiliin niya ang nakatataas o nakabababang marka kung saan man lumagay ang iyong average grade. Kunwari, nasa 3.51 ka, ito’y maaaring maging isang B+ (na may ceiling na 3.50) o A (na may ceiling na 4.00) sapagkat nasa gitna ng dalawang letter marks na ito ang iyong final average. Naguguluhan ka ba? Kung oo, basta magtiwala ka na lang sa akin. Para na rin mas maging kampante ka, sa aking block na karamihan ay BS Management Engineering majors, ang markang B+ ang kumbaga’y average grade, ayon na rin sa mga napagtanungan ko. Madaling makakuha ng mataas na marka sa klase niya. Ito pa pala: kadalasan, binibigyan niya ng puntos ang isang pagsasanay relative sa naging perfomance ng iyong mga kaklase. ‘Di siya ‘yung tipo ng guro na sasabihin mong “mataas ang standards. Ang kanyang mga standards ay base rin sa mga galing at talentong ipinamamalas ng iyong mga kaklase. Haha! Kaya, kung ako sa ‘yo, #EdgarSamarForAWorthItSemesterNa.

Bakit ko nga ba ito ngayon lamang ipopost? Sa katunayan, naeenjoy ko ang pagkakaroon ng batchmates ko ng impresiyon kay G. Samar bilang isang “terror” na guro. Kung hindi dahil sa mga ganitong usapin, marahil ay naubusan na ako ng slots sa kanyang klase noong enlistment period. Batch 6 kasi ako noon. Ngayon at there’s no more turning back, gusto kong ipagsigawan sa lahat ng mga Atenistang hindi pumili kay G. Edgar Samar bilang kanilang guro sa Panitikan ng Pilipinas na, “Sinayang ninyo ang inyong oportunidad na magkaroon ng #SamarExperience, #SamarRide at #SamarLife!” ‘Ika nga ng aking matalik na kaibigan na si Kate Lee, #FILIPINOIsMoreFunWithEdgarSamar.

Jesse Brian B. Lui (122398), II – BS ME, FIL 14 – E

Advertisements

Mga Yamang Nasasayang: Ilang Dahilan Kung Bakit Nahihirapan Umunlad ang Pilipinas

Bawat araw sa ating buhay, iba’t ibang bagay, tao, pangyayari at lugar ang ating nakikita’t naririnig. Isa sa mga pinakamahalagang pangyayaring paparating sa ating bansang Pilipinas ang darating na halalan sa ika-13 ng Mayo, taong 2013. Ayon sa Saligang-Batas, muli tayong maghahalal ng mga senador, kongresista, gobernador at maraming pang ibang opisyal hanggang sa “pinakamababang” posisiyon na konsehal.

Dalawang koalisyon ang pangunahing magkatunggali: ang Team PNoy (LP-NPC-LDP-Akbayan) na pinangungunahan ni Pangulong Noynoy Aquino (LP) at ang UNA (United Nationalist Alliance) na pinangungunahan ng mga lider na sina Senador Juan Ponce Enrile (PMP), dating Pangulong Joseph Estrada (PMP) at Pangalawang Pangulong Jojo Binay (PDP). Ang aking katanungan lamang ay ito: kailan nga ba kaya uunlad ang ating bansa sa aspektong pulitikal, ekonomikal at kultural? Itong tatlong aspektong ito ang paulit-ulit na pinagtutuunan ng pansin ng aking guro sa Araling Panlipunan noong nasa mataas na paaralan pa lamang ako.

Sa totoo lang, talagang hilig ko ang mga usapin tungkol sa pulitika ng ating bansa. Kung tutuusin, kung ‘di ko lamang isinaalang-alang ang mga carrer opportunities na aking matatamo matapos ang kolehiyo, marahil ay kinukuha ko ngayon ang kursong AB Political Science at hindi BS Management Engineering. Hindi ko rin alam kung bakit interesado ako sa mga aspektong pulitikal ng Pilipinas. Marahil ay nasa aking kalooban talaga ang maging isang pulitiko. (Oo, ‘di na rin ako sigurado kung pagseserbisyo o pagiging isang pulitiko ang hinahanap ko.)

Madalas akong magbasa ng mga bagay-bagay tungkol sa mga halalan ng ating bansa. Ngunit, may malaki rin akong pagkakamali. Nakalilimutan kong obserbahan ang mga bagay-bagay na bumubuo sa ating gobyerno – partikular sa iba’t ibang sangay na kagawaran nito (hal. DepEd, CHED, Customs, BIR, at marami pang iba) at ang mga partikular na ginagawa ng ating mga “pinuno sa gobyerno.”

Dahil na rin sa papalapit na halalan kaya minabuti kong balikan ang nakaraan. Minabuti kong tingnan ang mga pangyayari sa pangkasalukuyang panahon. Nais kong hatulan ang ating pamahalaan. Sabi nila, “Mayaman ang Pilipinas. Kung ‘di lang corrupt ang mga pinuno ng bansang ito’y marahil ay napakaunlad na nito.” Ngunit, matanong kita: ano nga ba ang mga yaman ng Pilipinas? Ano nga ba ang nangyayari sa mga ito at bakit tayo nahihirapan umunlad?

“Ang gobyerno ang may kasalanan! Sila ang dapat sisihin!” ‘Yan ang sinasabi ng nakararami sa atin, ngunit mas nanaisin kong ako mismo ang magsaliksik ukol sa mga ganitong bagay bago ko hatulan ang ating gobyerno bilang isang mamamayan ng ating bansa.

Una, ang mga yamang-likas natin ay maipapangkat ko sa mga sumusunod: lupa, tubig, mineral, at tao. Marahil para sa iba, kasama pa sa listahan ang yamang enerhiya, at iba pa. Gayunpaman, mamabutihin kong ito (lupa, tubig, mineral at tao) lamang ang aking mga pag-uusapan dahil na rin sa personal na limitasyon ko sa mga kaalaman ukol dito.

Para sa ating yamang lupa, bakit nga ba tayo mayaman? Kung tutuusin, iilan lamang tayo sa mga bansang sagana sa mga puno’t halaman. Mayroon tayong mga bundok, burol, bulubundukin, talampas, lambak at marami pang iba. Kung tutuusin, maaari nating pagkakitaan ang mga ito. Marami rito ay p’wede nating pagandahin at ipakilala bilang tourist spots tulad na lang ng chocolate hills sa Bohol. Ngunit, ano nga ba ang ilan sa mga bagay na nagpapahirap sa ating bansa sa aspekto ng ating mga yamang lupa?

Illegal logging. Kung mamarapatin, ayos lang naman sanang pumutol ng puno, ngunit ayon nga sa ating batas, dapat ay palitan ito sa pamamagitan ng pagtatanim ng mas marami pang puno (‘di lamang ako sigurado sa eksaktong numero), pero nasa batas iyon. Ano ang ginagawa ng DENR? Simula pa noon, hanggang ngayon, wala namang malawakang asenso sa pagpapatupad ng batas na ito upang palitan ang mga punong pinuputol. Dahil sa illegal logging, nagiging prone sa mga pagguho ng lupa ang ating mga lupain (partikular sa mga bundok) na naglalagay sa ating mga kababayan sa alanganing sitwasyon sa buhay. Dagdag pa rito, nakababawas ito ng ganda ng ating kalikasan: tatandaang nais din sana nating isulong ang pagkakaroon ng mga turistang dadayo sa mga lugar na ito upang kumita ang ating bansa. Kung biglang bumagyo at gumuho ang lupain, bahala na si Batman? Ganoon ba ang sasabihin sa atin ng gobyerno? Kung tutuusin, may usap-usapin na ang nangyayari raw kasi sa loob ng opisina ay ganito:

Illegal logger: Boss, kukuha po kami ng ilang puno sa bundok ng Santa Fe.

DENR: Ah, ganoon ba? May permit na ba kayo?

Illegal logger: ‘Yun nga ho, ser. Wala pa po. Pero, h’wag po kayong mag-aalala. Kami na ho ang bahala sa inyo. Basta tahimik na lang ho kayo.

DENR: Aba, walang problema. Basta walang sabit ‘yan,  a.

Illegal logger: Areglado, boss.

Isang simpleng usaping ganito at bigayan ng pera sa ilalim ng mesa ang nangyayari sa karamihan ng mga sangay ng ating gobyerno. Ang mga puno ay ‘di lamang humahawak ng lupa, nagbibigay rin ang mga ito ng sariwang hangin na nakatutulong sa paghinga ng bawat tao at hayop. Hinihigop din nito ang carbon dioxide upang palitan ng oxygen na mahalaga sa mga tulad nating tao. Higit pa rito, dahil na rin sa “paglagay” o “pagsuhol” sa ilang opisyal ng gobyerno, ‘di na nakukuha ng ating “tunay na gobyerno” ang dapat bayaran ng mga pumuputol ng puno sa ating bansa. ‘Di ba? Bakit, yaman ba ng mga opisyal ng gobyerno ang ating mga puno? Hindi, ‘no! Atin ‘yan. Pinagkakaitan tayo. Nilalapastangan nila ang ating mga karapatan. Bukod pa rito, nasisira nito ang kredibilidad ng ating mga pinuno na magiging usapin sa aspektong pulitikal ng ating gobyerno.

Kawalan ng saysay ng ilang lupain. Natatandaan niyo pa ba noong nagkaroon tayo ng krisis ng kakulangan sa bigas noong administrasyon ni Pangulong Arroyo? Bakit nga ba? Nakikita ko ito bilang isang napakalaking kabalintunaan at kalokohan. Kung ating titingnan, napakarami nating mga taniman sa ating bansa na punong-puno ng palay. Gayunpaman, napakarami pa rin nating lupain na wala man lang katanim-tanim. Kung ako ang magdedesisyon, p’wede sanang isabatas ang pagbabawal sa pagkakaroon ng idle lands sa takdang haba ng oras. Kung ating tataniman lahat ng mga lupain na p’wede gawing bukirin sa ating bansa ng palay, mais, gulay, kape, at marami pang iba, mas dadami ang mga produkto natin na maaaring maging pag-aari ng gobyerno (para sa mga lupain na pag-aari ng gobyerno) na maaaring ipamigay sa mga hirap sa buhay o ‘di kaya’y i-export sa ibang bansa upang kumita pa ang ating gobyerno. Marami tayong mga lupain na p’wedeng pagkakitaan. Bakit pa nga ba tayo mamomroblema ulit sa bigas? Magiging malabo na mangyari ito kung may gagawin lamang aksiyon ang ating gobyerno sa aspektong ito.

Ilan lamang iyan sa mga aspektong dapat talakayin sa ilalim ng ating yamang lupa. Ngayon naman, nais kong bigyang pansin ang mga bagay na sumasailalim sa ating mga yamang tubig. Ano nga ba ang mga bagay na nagkakaroon ng negatibong epekto sa mga yaman nating ito at nasasayang?

Dynamite fishing. Bakit hanggang dito ay sisisihin ko pa rin ang ating gobyerno? ‘Di naman siguro masama kung kukuwestiyunin ko sila sa kakulangan ng seguridad ng ating mga baybaying p’wedeng gawin ang masamang aktong ito. Ang isang karaniwang mangingisda sa isang lokal na lugar niya’y malamang ‘di gagawin ito dahil uubusin niya ang mga isda sa lugar niya dahil sa magiging epekto ng dinamita sa kalusugan ng mga isda. Maraming mga mangingisda ang nasisira ang pang-araw-araw na kabuhayan dahil sa mga gumagamit ng dinamita na sana’y napipigilan ng mga coast guard officers o mga roving officers ng ating gobyerno. Hindi ko na siguro gagawan pa ng kuwento ang mga pangyayaring ito ngunit ‘di ako magugulat kung mayroon ding “lagayan” o “suhulan” na nangyayari rito upang protektahan ang ilan ngang mga dynamite fishermen sa ilang mga lugar na hindi gaano sikat sa bansa. Karamihan kasi sa mga sikat na lugar o kumbaga’y established na lugar ay istriktong naipatutupad na ang mga patakaran laban sa paggamit ng dinamita sa pangingisda.

Pagtapon ng mga basura sa mga yamang tubig. Huli ka, balbon! Haha. Ngayon, sa tingin ko, ang karamihan sa mga Pilipino naman ang may kasalanan sa gawaing ito. Dahil na rin sa kawalan ng disiplina ng karamihan sa atin ay ‘di natin naisasaayos ang paghihiwalay ng mga basura (nabubulok, recyclable, at iba pa). Higit pa rito, karamihan umano sa atin ay ‘di marunong “magtipid” ng basura: magresaykel kung tawagin. Kaysa gumamit ng bakal na kutsara’t tinidor ay mas pipiliin pa ng iba ang gumamit ng plastik na mga kubyertos upang itapon na lamang ito matapos gamitin dahil nakatatamad umanong maghugas ng kubyertos. Hay, nako. Juan Tamad, kung ganyan lang nang ganyan ang gagawin natin, talagang mahihirapan na tayong paunlarin pa at linisin ang mga yamang tubig nating naging napakarumi na sa puntong pandidirihan na ito ng mga turista’t sarili nating mamamayan. Nababawasan nito ang mga posibleng kita sa pamamagitan ng turismo. Sa kalaunan, magmumukhang “kultura” na ng ating mga kababayan ang magtapon o magkalat ng basura sa kung saan-saan: sa estero, sa dagat at marami pang iba. ‘Di yata ito magandang marinig o malaman. At ano naman ang ginagawa ng ating gobyerno upang linisin ang ating mga yamang tubig? A, e, i, o, u. Hay, buhay.

Interesado ka nga ba sa aking mga pinagsasasabi? Hindi ako sigurado kung oo ang sagot mo o hindi. Pero bilang isang Pilipino (Oo na, ako na ang assuming na Pilipino ka ngang mambabasa ka. Haha!), naniniwala ako na responsabilidad mong malaman ang mga bagay na ito upang alam mo ang gagawin mo upang iwasang mangyari ang mga ganitong bagay sa ating bansa.

Ngayon, bibigyan na lang kita ng tig-iisang halimbawa para sa mga nasasayang yamang mineral at tao sa ating bansa.

Ako may-ari, ikaw bili, ikaw bayad sa akin, ako kita. – Isang opisyal ng gobyerno. (Sadya ang pagkakaroon ng ilang pagkakamali sa antas ng gramatika sa pangungusap na binanggit). Mayroong mga lugar sa ating bansa na umano’y nag-eexport ng mga yamang mineral (hal. puting buhangin, atbp.) sa ibang bansa na pinagkakakitaan mismo ng mga opisyal na may kapangyarihan sa mga lugar na ito. Kung tutuusin, iligal ang kanilang mga ginagawa, ngunit dahil na rin sa kapangyarihang kaakibat ng kanilang pagkakahalal sa p’westo, nagiging madali itong gawin para sa kanila. Matapos ito, nanakawan na nga ng yamang mineral ang bansa, kumita pa si “loko” – ang opisyal ng gobyernong nagkaroon ng iligal na transaksiyon sa labas ng ating bansa. Hay, nako. Nahiya naman ang Amerika sa aspektong pulitikal ng ating bansa! Sabihin na lang nating nariyan si concerned citizen. Ano naman ang magagawa ni concerned citizen laban sa isang mayaman at makapangyarihang gobernador o alkalde na p’wede siyang ipapatay sa kahit anong oras na kanyang pipiliin oras na pumutak ang bibig ni concerned citizen?

Mag-migrate tayo; makikipagsapalaran ako sa Amerika. Wala pala akong gustong sabihin ukol sa bansang Amerika, nagkataon lang na napagdidiskitahan ko ito upang gawing halimbawa sa aking mga sinasabi. Ngayon sa Pilipinas, marami tayong mga mamamayan na walang trabaho dahil na rin sa talagang realidad ng buhay na may krisis sa kakulangan ng trabaho sa ating bansa. Marami sa atin ay puro mga merchandisers, buy and sell kumbaga. Iilang korporasyon lamang ang may ginagawang literal na paggawa o manufacturing. Kung magkakaroon sana ng mas maraming trabaho sa ating bansa, sa halip na payamanin natin ang ekonomiya ng ibang bansa (sa pagiimport at pagtatangkilik sa mga imported goods at pagpapadala ng mga OFW sa labas ng bansa) habang inilalayo natin ang ating mga manggagawa sa kani-kanilang mga pamilya, bakit ‘di natin ito iwasan? Kaya naman, kung tutuusin. Kung sa bagay, maaaring magtayo ng sariling mga manufacturing companies ang ating gobyerno upang magbigay ng sapat na trabaho sa ating mga mamamayan, kaysa sa pag-iimport ng mga bagay-bagay na pagpapakita pa ng pagtatangkilik sa mga produkto ng ibang bansa at ‘di sa mga sariling produkto natin.

Ngunit, oo nga naman. Babalik tayo sa usapin ng kaartehan sa ating pagpili sa mga bagay-bagay. Mayroon tayong mga kumbaga’y “magagandang brands” ng sasakyan, pabango, damit at marami pang iba na gawa ng ibang mga bansa, o ‘di kaya’y mga parokyano (foreigner). Sa katunayan, bihira ako makarinig ng ilang mga brands na gawa ng mga Pilipino sa Pilipinas na lubusang tinatangkilik. Sa aspektong ito, aaminin kong mayroon ding pagkukulang ang mga ordinaryong mamamayan ng ating bansa. May magagawa pa naman sana tayo.

Ang aking mga sinabi at binanggit ay ilan lamang sa mga yamang nasasayang na nagiging dahilan ng paghihirap ng pag-unlad ng ating bansa. Hindi ko lubusang sinisisi ang pamahalaan natin dito, may malaking pagkukulang din kasi tayo. Kung sa gayon, nais ko sanang ipunto na masosolusyonan lamang ang mga ito sa pamamagitan ng ating pagtutulungan: gobyerno at mamamayan. Nation building, ‘ika nga ng mga Atenista.

Maaaring mukhang sinisisi ko ang pamahalaan sa nangyayari ngayon, ngunit paniwalaan n’yo ako: hindi lamang sila ang aking sinisisi. Lahat tayo ay may responsabilidad sa pag-unlad o paghirap ng ating bansa. ‘Di dapat tayo tumulad dito sa tinutukoy ng lalaki sa bidyo matapos ang talatang ito (patawa na lamang).

http://www.youtube.com/watch?feature=player_embedded&v=vFidHBm9-JI

Ako si Jesse Brian Balisi Lui, isang Pilipino, ipinanganak sa Lungsod Quezon, ika-31 ng Hulyo, taong 1995. Patuloy pa rin akong magiging Pilipino’t bahagi na rin ako ng kasaysayan ng ating bansang Pilipinas. Maraming salamat. #JesseLuiParaPanguloSa2040 #HalfJoke

Jesse Brian B. Lui (122398), II – BS ME, FIL 14 – E