Mga Yamang Nasasayang: Ilang Dahilan Kung Bakit Nahihirapan Umunlad ang Pilipinas

Bawat araw sa ating buhay, iba’t ibang bagay, tao, pangyayari at lugar ang ating nakikita’t naririnig. Isa sa mga pinakamahalagang pangyayaring paparating sa ating bansang Pilipinas ang darating na halalan sa ika-13 ng Mayo, taong 2013. Ayon sa Saligang-Batas, muli tayong maghahalal ng mga senador, kongresista, gobernador at maraming pang ibang opisyal hanggang sa “pinakamababang” posisiyon na konsehal.

Dalawang koalisyon ang pangunahing magkatunggali: ang Team PNoy (LP-NPC-LDP-Akbayan) na pinangungunahan ni Pangulong Noynoy Aquino (LP) at ang UNA (United Nationalist Alliance) na pinangungunahan ng mga lider na sina Senador Juan Ponce Enrile (PMP), dating Pangulong Joseph Estrada (PMP) at Pangalawang Pangulong Jojo Binay (PDP). Ang aking katanungan lamang ay ito: kailan nga ba kaya uunlad ang ating bansa sa aspektong pulitikal, ekonomikal at kultural? Itong tatlong aspektong ito ang paulit-ulit na pinagtutuunan ng pansin ng aking guro sa Araling Panlipunan noong nasa mataas na paaralan pa lamang ako.

Sa totoo lang, talagang hilig ko ang mga usapin tungkol sa pulitika ng ating bansa. Kung tutuusin, kung ‘di ko lamang isinaalang-alang ang mga carrer opportunities na aking matatamo matapos ang kolehiyo, marahil ay kinukuha ko ngayon ang kursong AB Political Science at hindi BS Management Engineering. Hindi ko rin alam kung bakit interesado ako sa mga aspektong pulitikal ng Pilipinas. Marahil ay nasa aking kalooban talaga ang maging isang pulitiko. (Oo, ‘di na rin ako sigurado kung pagseserbisyo o pagiging isang pulitiko ang hinahanap ko.)

Madalas akong magbasa ng mga bagay-bagay tungkol sa mga halalan ng ating bansa. Ngunit, may malaki rin akong pagkakamali. Nakalilimutan kong obserbahan ang mga bagay-bagay na bumubuo sa ating gobyerno – partikular sa iba’t ibang sangay na kagawaran nito (hal. DepEd, CHED, Customs, BIR, at marami pang iba) at ang mga partikular na ginagawa ng ating mga “pinuno sa gobyerno.”

Dahil na rin sa papalapit na halalan kaya minabuti kong balikan ang nakaraan. Minabuti kong tingnan ang mga pangyayari sa pangkasalukuyang panahon. Nais kong hatulan ang ating pamahalaan. Sabi nila, “Mayaman ang Pilipinas. Kung ‘di lang corrupt ang mga pinuno ng bansang ito’y marahil ay napakaunlad na nito.” Ngunit, matanong kita: ano nga ba ang mga yaman ng Pilipinas? Ano nga ba ang nangyayari sa mga ito at bakit tayo nahihirapan umunlad?

“Ang gobyerno ang may kasalanan! Sila ang dapat sisihin!” ‘Yan ang sinasabi ng nakararami sa atin, ngunit mas nanaisin kong ako mismo ang magsaliksik ukol sa mga ganitong bagay bago ko hatulan ang ating gobyerno bilang isang mamamayan ng ating bansa.

Una, ang mga yamang-likas natin ay maipapangkat ko sa mga sumusunod: lupa, tubig, mineral, at tao. Marahil para sa iba, kasama pa sa listahan ang yamang enerhiya, at iba pa. Gayunpaman, mamabutihin kong ito (lupa, tubig, mineral at tao) lamang ang aking mga pag-uusapan dahil na rin sa personal na limitasyon ko sa mga kaalaman ukol dito.

Para sa ating yamang lupa, bakit nga ba tayo mayaman? Kung tutuusin, iilan lamang tayo sa mga bansang sagana sa mga puno’t halaman. Mayroon tayong mga bundok, burol, bulubundukin, talampas, lambak at marami pang iba. Kung tutuusin, maaari nating pagkakitaan ang mga ito. Marami rito ay p’wede nating pagandahin at ipakilala bilang tourist spots tulad na lang ng chocolate hills sa Bohol. Ngunit, ano nga ba ang ilan sa mga bagay na nagpapahirap sa ating bansa sa aspekto ng ating mga yamang lupa?

Illegal logging. Kung mamarapatin, ayos lang naman sanang pumutol ng puno, ngunit ayon nga sa ating batas, dapat ay palitan ito sa pamamagitan ng pagtatanim ng mas marami pang puno (‘di lamang ako sigurado sa eksaktong numero), pero nasa batas iyon. Ano ang ginagawa ng DENR? Simula pa noon, hanggang ngayon, wala namang malawakang asenso sa pagpapatupad ng batas na ito upang palitan ang mga punong pinuputol. Dahil sa illegal logging, nagiging prone sa mga pagguho ng lupa ang ating mga lupain (partikular sa mga bundok) na naglalagay sa ating mga kababayan sa alanganing sitwasyon sa buhay. Dagdag pa rito, nakababawas ito ng ganda ng ating kalikasan: tatandaang nais din sana nating isulong ang pagkakaroon ng mga turistang dadayo sa mga lugar na ito upang kumita ang ating bansa. Kung biglang bumagyo at gumuho ang lupain, bahala na si Batman? Ganoon ba ang sasabihin sa atin ng gobyerno? Kung tutuusin, may usap-usapin na ang nangyayari raw kasi sa loob ng opisina ay ganito:

Illegal logger: Boss, kukuha po kami ng ilang puno sa bundok ng Santa Fe.

DENR: Ah, ganoon ba? May permit na ba kayo?

Illegal logger: ‘Yun nga ho, ser. Wala pa po. Pero, h’wag po kayong mag-aalala. Kami na ho ang bahala sa inyo. Basta tahimik na lang ho kayo.

DENR: Aba, walang problema. Basta walang sabit ‘yan,  a.

Illegal logger: Areglado, boss.

Isang simpleng usaping ganito at bigayan ng pera sa ilalim ng mesa ang nangyayari sa karamihan ng mga sangay ng ating gobyerno. Ang mga puno ay ‘di lamang humahawak ng lupa, nagbibigay rin ang mga ito ng sariwang hangin na nakatutulong sa paghinga ng bawat tao at hayop. Hinihigop din nito ang carbon dioxide upang palitan ng oxygen na mahalaga sa mga tulad nating tao. Higit pa rito, dahil na rin sa “paglagay” o “pagsuhol” sa ilang opisyal ng gobyerno, ‘di na nakukuha ng ating “tunay na gobyerno” ang dapat bayaran ng mga pumuputol ng puno sa ating bansa. ‘Di ba? Bakit, yaman ba ng mga opisyal ng gobyerno ang ating mga puno? Hindi, ‘no! Atin ‘yan. Pinagkakaitan tayo. Nilalapastangan nila ang ating mga karapatan. Bukod pa rito, nasisira nito ang kredibilidad ng ating mga pinuno na magiging usapin sa aspektong pulitikal ng ating gobyerno.

Kawalan ng saysay ng ilang lupain. Natatandaan niyo pa ba noong nagkaroon tayo ng krisis ng kakulangan sa bigas noong administrasyon ni Pangulong Arroyo? Bakit nga ba? Nakikita ko ito bilang isang napakalaking kabalintunaan at kalokohan. Kung ating titingnan, napakarami nating mga taniman sa ating bansa na punong-puno ng palay. Gayunpaman, napakarami pa rin nating lupain na wala man lang katanim-tanim. Kung ako ang magdedesisyon, p’wede sanang isabatas ang pagbabawal sa pagkakaroon ng idle lands sa takdang haba ng oras. Kung ating tataniman lahat ng mga lupain na p’wede gawing bukirin sa ating bansa ng palay, mais, gulay, kape, at marami pang iba, mas dadami ang mga produkto natin na maaaring maging pag-aari ng gobyerno (para sa mga lupain na pag-aari ng gobyerno) na maaaring ipamigay sa mga hirap sa buhay o ‘di kaya’y i-export sa ibang bansa upang kumita pa ang ating gobyerno. Marami tayong mga lupain na p’wedeng pagkakitaan. Bakit pa nga ba tayo mamomroblema ulit sa bigas? Magiging malabo na mangyari ito kung may gagawin lamang aksiyon ang ating gobyerno sa aspektong ito.

Ilan lamang iyan sa mga aspektong dapat talakayin sa ilalim ng ating yamang lupa. Ngayon naman, nais kong bigyang pansin ang mga bagay na sumasailalim sa ating mga yamang tubig. Ano nga ba ang mga bagay na nagkakaroon ng negatibong epekto sa mga yaman nating ito at nasasayang?

Dynamite fishing. Bakit hanggang dito ay sisisihin ko pa rin ang ating gobyerno? ‘Di naman siguro masama kung kukuwestiyunin ko sila sa kakulangan ng seguridad ng ating mga baybaying p’wedeng gawin ang masamang aktong ito. Ang isang karaniwang mangingisda sa isang lokal na lugar niya’y malamang ‘di gagawin ito dahil uubusin niya ang mga isda sa lugar niya dahil sa magiging epekto ng dinamita sa kalusugan ng mga isda. Maraming mga mangingisda ang nasisira ang pang-araw-araw na kabuhayan dahil sa mga gumagamit ng dinamita na sana’y napipigilan ng mga coast guard officers o mga roving officers ng ating gobyerno. Hindi ko na siguro gagawan pa ng kuwento ang mga pangyayaring ito ngunit ‘di ako magugulat kung mayroon ding “lagayan” o “suhulan” na nangyayari rito upang protektahan ang ilan ngang mga dynamite fishermen sa ilang mga lugar na hindi gaano sikat sa bansa. Karamihan kasi sa mga sikat na lugar o kumbaga’y established na lugar ay istriktong naipatutupad na ang mga patakaran laban sa paggamit ng dinamita sa pangingisda.

Pagtapon ng mga basura sa mga yamang tubig. Huli ka, balbon! Haha. Ngayon, sa tingin ko, ang karamihan sa mga Pilipino naman ang may kasalanan sa gawaing ito. Dahil na rin sa kawalan ng disiplina ng karamihan sa atin ay ‘di natin naisasaayos ang paghihiwalay ng mga basura (nabubulok, recyclable, at iba pa). Higit pa rito, karamihan umano sa atin ay ‘di marunong “magtipid” ng basura: magresaykel kung tawagin. Kaysa gumamit ng bakal na kutsara’t tinidor ay mas pipiliin pa ng iba ang gumamit ng plastik na mga kubyertos upang itapon na lamang ito matapos gamitin dahil nakatatamad umanong maghugas ng kubyertos. Hay, nako. Juan Tamad, kung ganyan lang nang ganyan ang gagawin natin, talagang mahihirapan na tayong paunlarin pa at linisin ang mga yamang tubig nating naging napakarumi na sa puntong pandidirihan na ito ng mga turista’t sarili nating mamamayan. Nababawasan nito ang mga posibleng kita sa pamamagitan ng turismo. Sa kalaunan, magmumukhang “kultura” na ng ating mga kababayan ang magtapon o magkalat ng basura sa kung saan-saan: sa estero, sa dagat at marami pang iba. ‘Di yata ito magandang marinig o malaman. At ano naman ang ginagawa ng ating gobyerno upang linisin ang ating mga yamang tubig? A, e, i, o, u. Hay, buhay.

Interesado ka nga ba sa aking mga pinagsasasabi? Hindi ako sigurado kung oo ang sagot mo o hindi. Pero bilang isang Pilipino (Oo na, ako na ang assuming na Pilipino ka ngang mambabasa ka. Haha!), naniniwala ako na responsabilidad mong malaman ang mga bagay na ito upang alam mo ang gagawin mo upang iwasang mangyari ang mga ganitong bagay sa ating bansa.

Ngayon, bibigyan na lang kita ng tig-iisang halimbawa para sa mga nasasayang yamang mineral at tao sa ating bansa.

Ako may-ari, ikaw bili, ikaw bayad sa akin, ako kita. – Isang opisyal ng gobyerno. (Sadya ang pagkakaroon ng ilang pagkakamali sa antas ng gramatika sa pangungusap na binanggit). Mayroong mga lugar sa ating bansa na umano’y nag-eexport ng mga yamang mineral (hal. puting buhangin, atbp.) sa ibang bansa na pinagkakakitaan mismo ng mga opisyal na may kapangyarihan sa mga lugar na ito. Kung tutuusin, iligal ang kanilang mga ginagawa, ngunit dahil na rin sa kapangyarihang kaakibat ng kanilang pagkakahalal sa p’westo, nagiging madali itong gawin para sa kanila. Matapos ito, nanakawan na nga ng yamang mineral ang bansa, kumita pa si “loko” – ang opisyal ng gobyernong nagkaroon ng iligal na transaksiyon sa labas ng ating bansa. Hay, nako. Nahiya naman ang Amerika sa aspektong pulitikal ng ating bansa! Sabihin na lang nating nariyan si concerned citizen. Ano naman ang magagawa ni concerned citizen laban sa isang mayaman at makapangyarihang gobernador o alkalde na p’wede siyang ipapatay sa kahit anong oras na kanyang pipiliin oras na pumutak ang bibig ni concerned citizen?

Mag-migrate tayo; makikipagsapalaran ako sa Amerika. Wala pala akong gustong sabihin ukol sa bansang Amerika, nagkataon lang na napagdidiskitahan ko ito upang gawing halimbawa sa aking mga sinasabi. Ngayon sa Pilipinas, marami tayong mga mamamayan na walang trabaho dahil na rin sa talagang realidad ng buhay na may krisis sa kakulangan ng trabaho sa ating bansa. Marami sa atin ay puro mga merchandisers, buy and sell kumbaga. Iilang korporasyon lamang ang may ginagawang literal na paggawa o manufacturing. Kung magkakaroon sana ng mas maraming trabaho sa ating bansa, sa halip na payamanin natin ang ekonomiya ng ibang bansa (sa pagiimport at pagtatangkilik sa mga imported goods at pagpapadala ng mga OFW sa labas ng bansa) habang inilalayo natin ang ating mga manggagawa sa kani-kanilang mga pamilya, bakit ‘di natin ito iwasan? Kaya naman, kung tutuusin. Kung sa bagay, maaaring magtayo ng sariling mga manufacturing companies ang ating gobyerno upang magbigay ng sapat na trabaho sa ating mga mamamayan, kaysa sa pag-iimport ng mga bagay-bagay na pagpapakita pa ng pagtatangkilik sa mga produkto ng ibang bansa at ‘di sa mga sariling produkto natin.

Ngunit, oo nga naman. Babalik tayo sa usapin ng kaartehan sa ating pagpili sa mga bagay-bagay. Mayroon tayong mga kumbaga’y “magagandang brands” ng sasakyan, pabango, damit at marami pang iba na gawa ng ibang mga bansa, o ‘di kaya’y mga parokyano (foreigner). Sa katunayan, bihira ako makarinig ng ilang mga brands na gawa ng mga Pilipino sa Pilipinas na lubusang tinatangkilik. Sa aspektong ito, aaminin kong mayroon ding pagkukulang ang mga ordinaryong mamamayan ng ating bansa. May magagawa pa naman sana tayo.

Ang aking mga sinabi at binanggit ay ilan lamang sa mga yamang nasasayang na nagiging dahilan ng paghihirap ng pag-unlad ng ating bansa. Hindi ko lubusang sinisisi ang pamahalaan natin dito, may malaking pagkukulang din kasi tayo. Kung sa gayon, nais ko sanang ipunto na masosolusyonan lamang ang mga ito sa pamamagitan ng ating pagtutulungan: gobyerno at mamamayan. Nation building, ‘ika nga ng mga Atenista.

Maaaring mukhang sinisisi ko ang pamahalaan sa nangyayari ngayon, ngunit paniwalaan n’yo ako: hindi lamang sila ang aking sinisisi. Lahat tayo ay may responsabilidad sa pag-unlad o paghirap ng ating bansa. ‘Di dapat tayo tumulad dito sa tinutukoy ng lalaki sa bidyo matapos ang talatang ito (patawa na lamang).

http://www.youtube.com/watch?feature=player_embedded&v=vFidHBm9-JI

Ako si Jesse Brian Balisi Lui, isang Pilipino, ipinanganak sa Lungsod Quezon, ika-31 ng Hulyo, taong 1995. Patuloy pa rin akong magiging Pilipino’t bahagi na rin ako ng kasaysayan ng ating bansang Pilipinas. Maraming salamat. #JesseLuiParaPanguloSa2040 #HalfJoke

Jesse Brian B. Lui (122398), II – BS ME, FIL 14 – E

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s