Mga Yamang Nasasayang: Ilang Dahilan Kung Bakit Nahihirapan Umunlad ang Pilipinas

Bawat araw sa ating buhay, iba’t ibang bagay, tao, pangyayari at lugar ang ating nakikita’t naririnig. Isa sa mga pinakamahalagang pangyayaring paparating sa ating bansang Pilipinas ang darating na halalan sa ika-13 ng Mayo, taong 2013. Ayon sa Saligang-Batas, muli tayong maghahalal ng mga senador, kongresista, gobernador at maraming pang ibang opisyal hanggang sa “pinakamababang” posisiyon na konsehal.

Dalawang koalisyon ang pangunahing magkatunggali: ang Team PNoy (LP-NPC-LDP-Akbayan) na pinangungunahan ni Pangulong Noynoy Aquino (LP) at ang UNA (United Nationalist Alliance) na pinangungunahan ng mga lider na sina Senador Juan Ponce Enrile (PMP), dating Pangulong Joseph Estrada (PMP) at Pangalawang Pangulong Jojo Binay (PDP). Ang aking katanungan lamang ay ito: kailan nga ba kaya uunlad ang ating bansa sa aspektong pulitikal, ekonomikal at kultural? Itong tatlong aspektong ito ang paulit-ulit na pinagtutuunan ng pansin ng aking guro sa Araling Panlipunan noong nasa mataas na paaralan pa lamang ako.

Sa totoo lang, talagang hilig ko ang mga usapin tungkol sa pulitika ng ating bansa. Kung tutuusin, kung ‘di ko lamang isinaalang-alang ang mga carrer opportunities na aking matatamo matapos ang kolehiyo, marahil ay kinukuha ko ngayon ang kursong AB Political Science at hindi BS Management Engineering. Hindi ko rin alam kung bakit interesado ako sa mga aspektong pulitikal ng Pilipinas. Marahil ay nasa aking kalooban talaga ang maging isang pulitiko. (Oo, ‘di na rin ako sigurado kung pagseserbisyo o pagiging isang pulitiko ang hinahanap ko.)

Madalas akong magbasa ng mga bagay-bagay tungkol sa mga halalan ng ating bansa. Ngunit, may malaki rin akong pagkakamali. Nakalilimutan kong obserbahan ang mga bagay-bagay na bumubuo sa ating gobyerno – partikular sa iba’t ibang sangay na kagawaran nito (hal. DepEd, CHED, Customs, BIR, at marami pang iba) at ang mga partikular na ginagawa ng ating mga “pinuno sa gobyerno.”

Dahil na rin sa papalapit na halalan kaya minabuti kong balikan ang nakaraan. Minabuti kong tingnan ang mga pangyayari sa pangkasalukuyang panahon. Nais kong hatulan ang ating pamahalaan. Sabi nila, “Mayaman ang Pilipinas. Kung ‘di lang corrupt ang mga pinuno ng bansang ito’y marahil ay napakaunlad na nito.” Ngunit, matanong kita: ano nga ba ang mga yaman ng Pilipinas? Ano nga ba ang nangyayari sa mga ito at bakit tayo nahihirapan umunlad?

“Ang gobyerno ang may kasalanan! Sila ang dapat sisihin!” ‘Yan ang sinasabi ng nakararami sa atin, ngunit mas nanaisin kong ako mismo ang magsaliksik ukol sa mga ganitong bagay bago ko hatulan ang ating gobyerno bilang isang mamamayan ng ating bansa.

Una, ang mga yamang-likas natin ay maipapangkat ko sa mga sumusunod: lupa, tubig, mineral, at tao. Marahil para sa iba, kasama pa sa listahan ang yamang enerhiya, at iba pa. Gayunpaman, mamabutihin kong ito (lupa, tubig, mineral at tao) lamang ang aking mga pag-uusapan dahil na rin sa personal na limitasyon ko sa mga kaalaman ukol dito.

Para sa ating yamang lupa, bakit nga ba tayo mayaman? Kung tutuusin, iilan lamang tayo sa mga bansang sagana sa mga puno’t halaman. Mayroon tayong mga bundok, burol, bulubundukin, talampas, lambak at marami pang iba. Kung tutuusin, maaari nating pagkakitaan ang mga ito. Marami rito ay p’wede nating pagandahin at ipakilala bilang tourist spots tulad na lang ng chocolate hills sa Bohol. Ngunit, ano nga ba ang ilan sa mga bagay na nagpapahirap sa ating bansa sa aspekto ng ating mga yamang lupa?

Illegal logging. Kung mamarapatin, ayos lang naman sanang pumutol ng puno, ngunit ayon nga sa ating batas, dapat ay palitan ito sa pamamagitan ng pagtatanim ng mas marami pang puno (‘di lamang ako sigurado sa eksaktong numero), pero nasa batas iyon. Ano ang ginagawa ng DENR? Simula pa noon, hanggang ngayon, wala namang malawakang asenso sa pagpapatupad ng batas na ito upang palitan ang mga punong pinuputol. Dahil sa illegal logging, nagiging prone sa mga pagguho ng lupa ang ating mga lupain (partikular sa mga bundok) na naglalagay sa ating mga kababayan sa alanganing sitwasyon sa buhay. Dagdag pa rito, nakababawas ito ng ganda ng ating kalikasan: tatandaang nais din sana nating isulong ang pagkakaroon ng mga turistang dadayo sa mga lugar na ito upang kumita ang ating bansa. Kung biglang bumagyo at gumuho ang lupain, bahala na si Batman? Ganoon ba ang sasabihin sa atin ng gobyerno? Kung tutuusin, may usap-usapin na ang nangyayari raw kasi sa loob ng opisina ay ganito:

Illegal logger: Boss, kukuha po kami ng ilang puno sa bundok ng Santa Fe.

DENR: Ah, ganoon ba? May permit na ba kayo?

Illegal logger: ‘Yun nga ho, ser. Wala pa po. Pero, h’wag po kayong mag-aalala. Kami na ho ang bahala sa inyo. Basta tahimik na lang ho kayo.

DENR: Aba, walang problema. Basta walang sabit ‘yan,  a.

Illegal logger: Areglado, boss.

Isang simpleng usaping ganito at bigayan ng pera sa ilalim ng mesa ang nangyayari sa karamihan ng mga sangay ng ating gobyerno. Ang mga puno ay ‘di lamang humahawak ng lupa, nagbibigay rin ang mga ito ng sariwang hangin na nakatutulong sa paghinga ng bawat tao at hayop. Hinihigop din nito ang carbon dioxide upang palitan ng oxygen na mahalaga sa mga tulad nating tao. Higit pa rito, dahil na rin sa “paglagay” o “pagsuhol” sa ilang opisyal ng gobyerno, ‘di na nakukuha ng ating “tunay na gobyerno” ang dapat bayaran ng mga pumuputol ng puno sa ating bansa. ‘Di ba? Bakit, yaman ba ng mga opisyal ng gobyerno ang ating mga puno? Hindi, ‘no! Atin ‘yan. Pinagkakaitan tayo. Nilalapastangan nila ang ating mga karapatan. Bukod pa rito, nasisira nito ang kredibilidad ng ating mga pinuno na magiging usapin sa aspektong pulitikal ng ating gobyerno.

Kawalan ng saysay ng ilang lupain. Natatandaan niyo pa ba noong nagkaroon tayo ng krisis ng kakulangan sa bigas noong administrasyon ni Pangulong Arroyo? Bakit nga ba? Nakikita ko ito bilang isang napakalaking kabalintunaan at kalokohan. Kung ating titingnan, napakarami nating mga taniman sa ating bansa na punong-puno ng palay. Gayunpaman, napakarami pa rin nating lupain na wala man lang katanim-tanim. Kung ako ang magdedesisyon, p’wede sanang isabatas ang pagbabawal sa pagkakaroon ng idle lands sa takdang haba ng oras. Kung ating tataniman lahat ng mga lupain na p’wede gawing bukirin sa ating bansa ng palay, mais, gulay, kape, at marami pang iba, mas dadami ang mga produkto natin na maaaring maging pag-aari ng gobyerno (para sa mga lupain na pag-aari ng gobyerno) na maaaring ipamigay sa mga hirap sa buhay o ‘di kaya’y i-export sa ibang bansa upang kumita pa ang ating gobyerno. Marami tayong mga lupain na p’wedeng pagkakitaan. Bakit pa nga ba tayo mamomroblema ulit sa bigas? Magiging malabo na mangyari ito kung may gagawin lamang aksiyon ang ating gobyerno sa aspektong ito.

Ilan lamang iyan sa mga aspektong dapat talakayin sa ilalim ng ating yamang lupa. Ngayon naman, nais kong bigyang pansin ang mga bagay na sumasailalim sa ating mga yamang tubig. Ano nga ba ang mga bagay na nagkakaroon ng negatibong epekto sa mga yaman nating ito at nasasayang?

Dynamite fishing. Bakit hanggang dito ay sisisihin ko pa rin ang ating gobyerno? ‘Di naman siguro masama kung kukuwestiyunin ko sila sa kakulangan ng seguridad ng ating mga baybaying p’wedeng gawin ang masamang aktong ito. Ang isang karaniwang mangingisda sa isang lokal na lugar niya’y malamang ‘di gagawin ito dahil uubusin niya ang mga isda sa lugar niya dahil sa magiging epekto ng dinamita sa kalusugan ng mga isda. Maraming mga mangingisda ang nasisira ang pang-araw-araw na kabuhayan dahil sa mga gumagamit ng dinamita na sana’y napipigilan ng mga coast guard officers o mga roving officers ng ating gobyerno. Hindi ko na siguro gagawan pa ng kuwento ang mga pangyayaring ito ngunit ‘di ako magugulat kung mayroon ding “lagayan” o “suhulan” na nangyayari rito upang protektahan ang ilan ngang mga dynamite fishermen sa ilang mga lugar na hindi gaano sikat sa bansa. Karamihan kasi sa mga sikat na lugar o kumbaga’y established na lugar ay istriktong naipatutupad na ang mga patakaran laban sa paggamit ng dinamita sa pangingisda.

Pagtapon ng mga basura sa mga yamang tubig. Huli ka, balbon! Haha. Ngayon, sa tingin ko, ang karamihan sa mga Pilipino naman ang may kasalanan sa gawaing ito. Dahil na rin sa kawalan ng disiplina ng karamihan sa atin ay ‘di natin naisasaayos ang paghihiwalay ng mga basura (nabubulok, recyclable, at iba pa). Higit pa rito, karamihan umano sa atin ay ‘di marunong “magtipid” ng basura: magresaykel kung tawagin. Kaysa gumamit ng bakal na kutsara’t tinidor ay mas pipiliin pa ng iba ang gumamit ng plastik na mga kubyertos upang itapon na lamang ito matapos gamitin dahil nakatatamad umanong maghugas ng kubyertos. Hay, nako. Juan Tamad, kung ganyan lang nang ganyan ang gagawin natin, talagang mahihirapan na tayong paunlarin pa at linisin ang mga yamang tubig nating naging napakarumi na sa puntong pandidirihan na ito ng mga turista’t sarili nating mamamayan. Nababawasan nito ang mga posibleng kita sa pamamagitan ng turismo. Sa kalaunan, magmumukhang “kultura” na ng ating mga kababayan ang magtapon o magkalat ng basura sa kung saan-saan: sa estero, sa dagat at marami pang iba. ‘Di yata ito magandang marinig o malaman. At ano naman ang ginagawa ng ating gobyerno upang linisin ang ating mga yamang tubig? A, e, i, o, u. Hay, buhay.

Interesado ka nga ba sa aking mga pinagsasasabi? Hindi ako sigurado kung oo ang sagot mo o hindi. Pero bilang isang Pilipino (Oo na, ako na ang assuming na Pilipino ka ngang mambabasa ka. Haha!), naniniwala ako na responsabilidad mong malaman ang mga bagay na ito upang alam mo ang gagawin mo upang iwasang mangyari ang mga ganitong bagay sa ating bansa.

Ngayon, bibigyan na lang kita ng tig-iisang halimbawa para sa mga nasasayang yamang mineral at tao sa ating bansa.

Ako may-ari, ikaw bili, ikaw bayad sa akin, ako kita. – Isang opisyal ng gobyerno. (Sadya ang pagkakaroon ng ilang pagkakamali sa antas ng gramatika sa pangungusap na binanggit). Mayroong mga lugar sa ating bansa na umano’y nag-eexport ng mga yamang mineral (hal. puting buhangin, atbp.) sa ibang bansa na pinagkakakitaan mismo ng mga opisyal na may kapangyarihan sa mga lugar na ito. Kung tutuusin, iligal ang kanilang mga ginagawa, ngunit dahil na rin sa kapangyarihang kaakibat ng kanilang pagkakahalal sa p’westo, nagiging madali itong gawin para sa kanila. Matapos ito, nanakawan na nga ng yamang mineral ang bansa, kumita pa si “loko” – ang opisyal ng gobyernong nagkaroon ng iligal na transaksiyon sa labas ng ating bansa. Hay, nako. Nahiya naman ang Amerika sa aspektong pulitikal ng ating bansa! Sabihin na lang nating nariyan si concerned citizen. Ano naman ang magagawa ni concerned citizen laban sa isang mayaman at makapangyarihang gobernador o alkalde na p’wede siyang ipapatay sa kahit anong oras na kanyang pipiliin oras na pumutak ang bibig ni concerned citizen?

Mag-migrate tayo; makikipagsapalaran ako sa Amerika. Wala pala akong gustong sabihin ukol sa bansang Amerika, nagkataon lang na napagdidiskitahan ko ito upang gawing halimbawa sa aking mga sinasabi. Ngayon sa Pilipinas, marami tayong mga mamamayan na walang trabaho dahil na rin sa talagang realidad ng buhay na may krisis sa kakulangan ng trabaho sa ating bansa. Marami sa atin ay puro mga merchandisers, buy and sell kumbaga. Iilang korporasyon lamang ang may ginagawang literal na paggawa o manufacturing. Kung magkakaroon sana ng mas maraming trabaho sa ating bansa, sa halip na payamanin natin ang ekonomiya ng ibang bansa (sa pagiimport at pagtatangkilik sa mga imported goods at pagpapadala ng mga OFW sa labas ng bansa) habang inilalayo natin ang ating mga manggagawa sa kani-kanilang mga pamilya, bakit ‘di natin ito iwasan? Kaya naman, kung tutuusin. Kung sa bagay, maaaring magtayo ng sariling mga manufacturing companies ang ating gobyerno upang magbigay ng sapat na trabaho sa ating mga mamamayan, kaysa sa pag-iimport ng mga bagay-bagay na pagpapakita pa ng pagtatangkilik sa mga produkto ng ibang bansa at ‘di sa mga sariling produkto natin.

Ngunit, oo nga naman. Babalik tayo sa usapin ng kaartehan sa ating pagpili sa mga bagay-bagay. Mayroon tayong mga kumbaga’y “magagandang brands” ng sasakyan, pabango, damit at marami pang iba na gawa ng ibang mga bansa, o ‘di kaya’y mga parokyano (foreigner). Sa katunayan, bihira ako makarinig ng ilang mga brands na gawa ng mga Pilipino sa Pilipinas na lubusang tinatangkilik. Sa aspektong ito, aaminin kong mayroon ding pagkukulang ang mga ordinaryong mamamayan ng ating bansa. May magagawa pa naman sana tayo.

Ang aking mga sinabi at binanggit ay ilan lamang sa mga yamang nasasayang na nagiging dahilan ng paghihirap ng pag-unlad ng ating bansa. Hindi ko lubusang sinisisi ang pamahalaan natin dito, may malaking pagkukulang din kasi tayo. Kung sa gayon, nais ko sanang ipunto na masosolusyonan lamang ang mga ito sa pamamagitan ng ating pagtutulungan: gobyerno at mamamayan. Nation building, ‘ika nga ng mga Atenista.

Maaaring mukhang sinisisi ko ang pamahalaan sa nangyayari ngayon, ngunit paniwalaan n’yo ako: hindi lamang sila ang aking sinisisi. Lahat tayo ay may responsabilidad sa pag-unlad o paghirap ng ating bansa. ‘Di dapat tayo tumulad dito sa tinutukoy ng lalaki sa bidyo matapos ang talatang ito (patawa na lamang).

http://www.youtube.com/watch?feature=player_embedded&v=vFidHBm9-JI

Ako si Jesse Brian Balisi Lui, isang Pilipino, ipinanganak sa Lungsod Quezon, ika-31 ng Hulyo, taong 1995. Patuloy pa rin akong magiging Pilipino’t bahagi na rin ako ng kasaysayan ng ating bansang Pilipinas. Maraming salamat. #JesseLuiParaPanguloSa2040 #HalfJoke

Jesse Brian B. Lui (122398), II – BS ME, FIL 14 – E

Sapak, Gusto Mo?

Ang blog entry kong ito ay magsisilbi bilang aking Pagsasanay Bilang 13 na humihingi ng isang malikhaing pagpapakilala sa isang salitang Filipino na mapanganib na mabura (o nabura na) sa ating alaala. Mahalaga umanong nagbubunyag ito ng natatanging halagahan ng ating bayan.

Madali lang maghanap ng mga salitang malapit nang mabura sa ating alaala, o ‘di kaya’y mga salitang ngayon pa lang natin unang maririnig. Ang naging problema ko lang ay ‘yong kailangan umano nitong magbunyag ng natatanging halagahan ng ating bayan. Hmm, ano kaya?

Bingo! May nahanap na rin akong salita.

libon-libon png [ST] 1: pagsasalita ng mga walang katuturang bagay 2: pagbabalik kung saan nagmula, sinasabi rin sa tao na paikot-ikot magsalita (mula sa UP Diksiyonaryong Filipino)

Nakuha ng salitang ito ang atensiyon ko, ngunit hindi ko pa rin lubusang makita ang halagahan nito sa ating bayan. Hindi ko muna isinaalang-alang ang halagahan na criterion na ‘yan, tumuloy ako sa ideya ipakilala ang naturang salitang parang ngayon ko lang naengkuwentro.

Naisip kong gumawa ng isang pagpapakilalang gagamitin ang mga natutunan kong aral sa Sining ng Pakikipagtalastasan II (FIL 12) sa ilalim ni G. Edgar C. Samar. (Nako, mahiya naman ako kung mediocre blog lang ang gagawin ko. Huling pagsasanay na namin ‘to, kailangan ipakita ang effort!)

Laman ng blog na ito ang mga gawaing binatay ko sa mga naunang pagsasanay. Nagsilbing inspirasyon ang mga sumusunod: Pagsasanay Bilang 6 (6×6 ng Cubao 1980) at Pagsasanay Bilang 12 (Tanaga, Dalit, Diona).

Bago ka maexcite sa gagawin ko, balikan mo muna ang salita na napili kong ipakilala (o muling buhayin): libon-libon na nangangahulugang “pagsasalita ng mga walang katuturang bagay.”

“6×6 ng Salitang ‘Libon-libon'”

Isang salitang ngayon ko lang naengkuwentro,

Wala umanong katuturan ang kanyang sinasabi.

Ano’ng sinabi ko? Nagsasalita ang salita?

Naku, walang kuwentang usapan na ‘to.

Nakaiinis. Ano bang kahulugan ng “libon-libon?”

Ito, piso. Bumili ka ng kausap mo.

Ngayong naipakilala ko na sa iyo ang kahulugan ng salitang “libon-libon,” bigyan mo ako ng pagkakataon upang mas ipakilala pa ito sa iyo. Sana’y sa pamamagitan ng mga gagawin kong uri ng tula (tanaga, dalit, diona), mas maitatak ko sa iyo ang kahulugan ng salitang ito. Higit pa rito, nais kong magsilbing isang alaala ang blog entry kong ito na: walang katuturan. Pansining hindi lamang ordinaryong dalit o tanaga o diona ang aking mga gagawin, mayroon din itong mga tugmaan.

Tanaga ng Bansa

Maitim daw ang Aeta.

Ang seksi ng hita n’ya.

Litson niyang ‘di mataba,

Natuto raw maglaba.

Dalit ng Bibig

Sabi n’ya, mukha kang ubo.

May nalanghap akong tao.

Sumigaw siya, “Super Inggo!”

Sabi ko, “‘Tang ina, gago.”

Diona ni Anna

Itim ang kanyang ipit.

Pinokpok pa ng adik,

Tanga nga raw ang biik.

Ano raw? Sa unang pagkabasa mo ng mga tula, akala mo walang katuturan ang mga salitang bumubuo sa aking mga ito. Subukan mong ihighlight ang buong teksto.

Mayroon bang pinagkaiba? Wala pa rin, ‘di ba? Hahaha! Oo, wala talagang katuturan ang mga sinasabi kong ‘yan. Nais ko lang gumawa ng ilang mga tulang may sukat at tugma base sa mga kilalang pamantayan ng mga uri ng tulang nabanggit.

Naiinis ka ba? Puwes, paumanhin kung gayon. Nais ko lamang ipakilala ang salitang aking napili. Kung nakaiinis ang alaalang ito sa iyo, sana’y tandaan mo na may isang salitang libon-libon na kahit minsan sa buhay mo ay pinainit ang ulo mo.

Kung ‘di ka naman nainis sa mga tulang iyon, marahil ay open minded ka sa mga bagay-bagay. ‘Di mo nililimitahan ang sarili mo sa mga dekahong kumbensiyon ng mga bagay-bagay. Sa ating panahon ngayon, karaniwan lamang ang magsalita nang may katuturan. Ngunit, subukan mong magsalita nang walang katuturan, baka sabihan ka ng, “Ito, piso. Bumili ka ng kausap mo.”

Babalik nga muli ako sa halagahan nito sa bayan. Isasalaysay ko na lang ang kuwento ng aking ina noon sa akin.

Noong araw daw, wala pa ang mga telepono, selepono, at iba pang mga modernong gadgets para sa komunikasyon. Kahit daw ang telegrama noon, napakatagal upang dumating sa paroroonan nito. Dahil doon, mayroong sistema noon na kakaiba. Ganito iyon. Kunwari, may ipadadala kang mensahe kay nanay, isusulat mo itong mga salitang ito, at ipadadaan mo sa kumbaga noo’y post office ng lokasyon mo. Sila ang magtatayp ng mga letrang ito upang ipadala ang mensahe sa post office ng lokasyon ng nanay mo. Ano ang kakaiba rito? Ang kanilang pagsingil ay base sa dami ng letra na iyong gagamitin sa liham mo.

Ano ang koneksiyon nito sa aking salitang “libon-libon?”

Ipinakikita ng prosesong ito na malaki ang pagpapahalaga noon (kahit pa man ngayon) ng mga tao sa salita o sa mga sinasabi ng isang indibiduwal or grupo ng mga tao. Naipakikita rin nito ang halagahan ng pagkakaroon ng sense kausap ang bawat taong iyong kakausapin. Higit pa rito, napakahalaga ang bawat letrang ginagamit noon, lalo na sa mga mala-telegramang mensahe. Kung hindi mo aayusin o bibigyan ng katuturan ang mga sinasabi mo, baka ‘pag lingon mo lang ng iyong likuran, masapak na ang iyong mukha pagbalik mo ng tingin. Mayroon tayong nosyon ng may katuturan at walang katuturan na mga salita.

Para sa karamihan sa atin, hindi pa rin katanggap-tanggap ang pagsasabi ng mga bagay na walang katuturan. Maging ako rin, kung kakausapin mo lang ako upang sabihin ang mga bagay na wala namang katuturan, baka masapak lang kita dahil sinasayang mo ang oras ko.

Gayunpaman, h’wag nating kalilimutan na lahat tayo’y may iba’t ibang perspektibo ukol sa mga bagay-bagay. Ang walang katuturan para kay Juan ay maaaring may katuturan para kay Adan. Ngayon, ikaw ang tatanungin ko, mayroon bang katuturan ang blog entry kong ito?

Para sa akin, mayroon. Ginamit ko kasi ang mga natutunan kong konsepto’t aral sa aking klase. Higit pa roon, mas nabigyang atensiyon ko ang pagkakaroon ng katuturan ng ilang mga bagay. Nabigyang liwanag ko rin na mayroon tayong iba’t ibang pananaw ukol sa kung ano ang may katuturan at wala.

Sa pagtatapos ng araw, kumain nang marami corndog si Kulas upang lagyan ng garlic mayo ang orasan ng Ermita. Lumipad ang pikhuku nang mataas upang sagipin ang stapler ni Kulas.

Libon-libon: pagsasalita ng mga walang katuturang bagay

Sanggunian:

Almario, Virgilio S., ed. UP Diksiyonaryong Filipino. Revised ed. Pasig City: Anvil Publishing, 2010.

Impluwensiya ng Lipunan, Kaya nga bang Pigilan?

Seks. Sibak. Jakol. Tamod. Blowjob. Pussy. Tits. Hawak. Masarap.

Nakuha ko na ba ang atensiyon mo? Ito nga ba ang ilan sa mga salitang kailangan mong mabasa upang ituloy mo ang iyong pagbabasa sa blog entry kong ito? Sabik ka na bang makipagtalik? Sabik ka na bang makabasa ng isang kuwento ng pagpapantasya sa larangan ng pagtatalik? Masarap nga bang magjakol? O, ‘di kaya’y mas masarap ba siyang ifinger? Puwede rin siguro nating ikonsidera ang pagdila na lamang sa kanyang… alam mo na.

Kung “oo” ang sagot mo sa lahat ng tanong ko, hindi ako sigurado kung matutuwa ka o mabibigo ka sa mga susunod mong mababasa sa blog kong ito.

Hindi ito kuwento ng pagpapantasya. Wala rin itong kasamang bidyo ng dalawang indibiduwal na nagtatalik. Ito’y tungkol sa aking pagninilay sa programang humubog ng aking pagkatao noong ako’y nasa Mataas na Paaralan ng Ateneo de Manila. Naniniwala ako na hindi lamang mahalaga ang aking mga susunod kong salita sa mga mamamayan ng Pamantasan ng Ateneo de Manila, ngunit ito’y mahalaga rin maging sa lahat ng mga indibiduwal (lalo na para sa mga mag-aaral) na may kaugnayan sa mga Katolikong paaralan sa buong Pilipinas.

Nagtapos ako ng mataas na paaralan bilang Kinatawan ng Antas (Batch Representative). Dahil na rin sa aking posisyon kaya nama’y marami talaga akong nalalaman tungkol sa mga kalebel ko ng antas. Sa huling pagkakaalam ko, ang aking antas ay binuo ng 565 na mag-aaral mula sa labing-apat na mga klase. Dahil sa hindi ko na mabilang na rami ng aking mga kaantas, talaga namang ‘di ko sila lahat makikilala ng lubusan. Ngunit, masasabi kong kilala ko marahil ang walumpung bahagdan ng aking mga kaantas. Higit pa rito, kaya kong ipagyabang na kilala ko at kaya kong tukuyin ang tipikal na Atenistang kaantas ko na galing sa mataas na paaralan.

Higit pa rito, alam ko kung ano ang patok o uso na gawain para sa kanila. Masasabi kong higit sa pag-iinom ng alak, naging uso rin ang pagyoyosi o paggamit ng electronic cigarette. Ngunit, wala man akong ebidensiya, may mga naririnig akong bahagi ng minorya lang naman ng aking antas na nagiging sangkot sa ganitong mga bisyo. Alam ko rin na halos lahat ng pangungusap na lumalabas sa bibig ng karamihan sa aking mga kaantas noon ay nagsisimula sa mga katagang: “‘Tang ina, gago.” Para bang naging bahagi na talaga ang mga salitang ito ng bawat pangungusap na lalabas sa aming bibig. Mayroon pa nga akong mga balitang narinig na si Pedro (‘di niya tunay na pangalan) raw ay ilang beses nagkapregnancy scare sa syota niya noon. Biruin mo ‘yon, sa murang edad pa lamang, nagawa nang gawin ng taong ito ang isang bagay na ginagawa lamang dapat ng mag-asawa. Oo nga pala, para naman sa mga kunwari ay inosenteng tahimik diyan, alam ko ring kilala niyo si Tori Black, isa siya sa mga sikat na pornstar na maraming bidyo sa website ng “YouJizz.”

Bago ko nga pala makalimutan, ayon sa misyon at haraya (vision) ng Mataas na Paaralan ng Ateneo de Manila, humuhubog ito ng mga mag-aaral na nagtataglay ng 5 C’s na tinatawag nilang Christ-centeredness, Compassion, Commitment, Conscience at Competence.

Gusto kong bumalik sa usapin ng seks. Noong nakaraang linggo, nagkuwekuwentuhan kami ng isa kong kaibigan mula sa isang kilalang Katolikong paaralan sa siyudad ng Maynila. Tinatanong niya ako kung bakit tuwing nakaririnig daw siya ng isang maruming patawa (green joke), “nagegets” daw agad ito ng mga Atenista (galing sa mataas na paaralan).

Tinanong niya ako kung talaga bang ganun ang aming mga isip – marumi? Tinanong din niya ako kung bakit karamihan sa mga Atenista ay ginagawa iyong “up and down motion.” Hindi nga niya kayang banggitin nang diretsahan ang salitang “jakol.” Para sa kanya, sobrang mali ang paggawa sa bagay na ito. Sa akin naman, kung sa bagay, alam din naman nating lahat na kasalanan sa Maykapal ang “magjakol.”

Napaisip ako nang malalim noong mga oras na iyon. Noong nasa mataas na paaralan kasi ako, parang normal lang na lahat kami ay nagmumura. Normal lang na lahat kami ay marumi ang isip. Normal lang sa amin ang gawain ng pagjakol. At dahil nga kinatawan ako ng aking antas, marami rin akong nababalitaan na mga gawain ng seks na nangyayari sa mga kaedad kong mga mag-aaral. Oo nga pala, normal lang din sa amin ang manood ng mga porn o sex videos sa internet. Minsan nga’y dinadala pa ang mga bidyong ito sa silid-aralan. Para bang, naging “natural” o “normal” na lamang sa akin ang makarinig ng mga bagay na ito. Akala ko noon, ‘di talaga kaya pigilan ng anumang programang paghubog ng kahit anong paaralan ang mga impluensiya ng lipunan. Ngunit, nang makausap ko nga ang sinasabi kong kaibigan kong “nalalabuan” sa mga perspektibo at gawain ng mga mag-aaral na galing sa isang katolikong institusyon (Ateneo High School), napaisip talaga ako. Nasaan na ang hinuhubog na mag-aaral na nagtataglay ng 5 C’s na aking binanggit kanina?

Nasaan na ang pagsunod ng aking mga kamag-aral sa utos ng Diyos (Christ-centeredness)? Nasaan na ang compassion ng aking mga kamag-aral sa mga babaeng nagiging biktima ng sex videos? Nasaan ang konsensiya ng aking mga kamag-aral na upang pigilan silang ‘di gumawa ng masama? Nasaan na ang… mga birtud na dapat ay taglay namin bilang mga Atenista? Hindi na rin ako magdidilang-ipokrito sa aking blog na ito. Maging ako man ay nagkasala na rin sa ilan sa mga bagay na binanggit ko. ‘Di ko na iniligtas ang aking sarili ngunit ‘di ko na ring babanggitin ang mga bagay na nagawa kong taliwas sa mga turo ng Maykapal. ‘Ika nga nila, less talk, less mistake.

Dati, tuwing tinatanong ako kung ano ang pinakamalaking bagay na ipinagpapasalamat ko sa aking mataas na paaralan, malugod ko silang sinasabog ng “ang programang paghubog ng Ateneo.” Wika ko pa nga noo’y, “Iba talaga ang formation program ng Ateneo High School.” Ngunit ngayon, napaiisip na talaga ako kung tama pa nga ba ang programang paghubog ng aking paaralan noon?

Dagdag pa pala ng aking kaibigan, hindi lang daw siya ang ‘ika nga niya’y “konserbatibo” sa mga “ganung bagay.” Maging ang kanyang mga kapuwa mag-aaral mula sa kanyang paaralan noon ay konserbatibo rin sa usapin ng seks. Oo nga pala, upang mas bigyang kredibilidad ang “kaibigan” na aking tinutukoy, siya naman ang Pangulo ng Antas (katumbas ng aking posisyon bilang Batch Rep) sa kanyang paaralan.

Napaisip talaga ako noon. Sabi ko sa sarili ko, “Kaya palang pigilan ng paaralan gamit ang mga programang paghubog nito ang panghihimasok ng mga impluensiya ng lipunang ating kinalalagyan ngayon.” May pag-asa pala. Kung sa gayon, mayroon din palang malaking pagkukulang ang aking paaralan noon kung bakit marami sa aking mga kamag-aral ang napariwala sa utos ng simbahang Katoliko. Masama nga pala ang magjakol. Masama nga pala ang kosepto ng “sex before marriage.” Masama nga pala magmura. Masama nga pala manood ng porno. Nakagugulat malaman na “kaya” naman pala labanan ang masamang impluensiya ng ating lipunan.

Ngunit, hindi ko rin naman lubusang isinisisi sa aking paaralan ang kanilang “pagkukulang sa paghubog” sa ‘min upang maging “malinis” na mga mamamayan. Mayroon din kayang pagkukulang ang aming mga magulang sa pagpapalaki sa amin upang sumunod sa ilang utos ng Diyos? Hindi ko talaga alam ang kasagutan. Muli, wala talaga akong lubusang sinisisi. Naniniwala kasi akong kami ring mga mag-aaral ang pumili ng aming mga landas na tatahakin – ang landas na maraming kaugnayan sa seks siguro ang pinili ng karamihan sa amin. Masarap daw kasi iyon. Maging ako siguro’y naimpluensiyahan na rin ng lipunang aking kinalalagyan.

Iba talaga ang mundo, ang bilis ng panahon. Dati raw, mahawakan mo lang ang kamay ng isang babae (kung ikaw ay isang lalaki), kailangan mo na siyang pakasalan. Ngayon, kahit na magseks kayo nang tatlong beses sa isang araw, hindi pa rin ibig sabihin ay mahal niyo ang isa’t isa at gusto niyong magpakasal. Ang buhay nga naman, ‘di mo talaga masasabi ang susunod na mangyayari.

Ngayon kaya, mag-aalas dose na ng madaling araw. Tulog na lahat ng aking mga kasama sa bahay. Mabilis ang aking internet. Gumagana pa ang aking speakers. Ano na kaya ang gagawin ko? Ikaw ang humusga. (Huling Pahayag: Kung nagets mo ang maruming pahiwatig ng talatang ito, marahil ay naimpluensiyahan na rin ng lipunang iyong kinalalagyan ang noo’y inosente mong pag-iisip. Paano? Hindi ko alam.)

Seks. Sibak. Jakol. Tamod. Blowjob. Pussy. Tits. Hawak. MASARAP.

Jesse Brian B. Lui (122398), I – BS ME, FIL 12 – Y

Ang Gabay Sa Pagiging “Sipsip”

Hindi ko na itatanggi ang katotohanan. Ibubunyag ko na ang aking sikreto. Ito na talaga ang katapusan ng aking “pagpapanggap.” Malalaman na ng aking guro na “sipsip” ako. Naku, #PatayTayoRiyan. Hindi naman ako natatakot na husgahan ng aking gurong makababasa ng blog entry kong ito. Tatandaan ko na lamang ang sinabi niya sa aking klase noong nakaraang linggo, “Hindi ko kayo huhusgahan bilang isang tao. Huhusgahan ko kayo bilang isang mag-aaral sa klaseng FIL 12.” Ito na talaga. Ibubunyag ko na ang aking malagim na sikreto.

Ngunit, bago iyon, gusto ko munang magbahagi ng isang maikling kuwento ukol sa aking buhay sa mataas na paaralan na nais kong magsilbi na rin bilang pasakalye sa blog entry kong ito.

Nagtapos ako sa Mataas na Paaralan ng Ateneo de Manila nang may parangal na karangalang banggit para sa kagalingang pang-akademiko noong nakaraang taon (Marso 2012). Isa rin ako sa mga pinakaaktibong mag-aaral sa larangan ng Sanggunian at mga organisasyon. Higit pa rito, hindi ko maitatanggi na isa ako sa ilang mag-aaral na kilala bilang teacher’s pet. Oo, maihahalintulad mo ako sa iyong “sipsip” na kaklase noong mataas na paaralan na gusto mong batukan dahil nakaiirita at nakaiinis. Huwag mo na rin sana tawagin pang “plastik.”

Noong nasa ikaapat na taon ako, naging guro ko sa Tulong Dunong (isang asignatura na binubuo ng mga konsepto’t aral mula sa Edukasyon sa Pamumuhay Kristiyano at Home Economics) si G. Delos Santos (hindi niya tunay na pangalan para sa kanyang privacy). Itinuturing siya ng mga kapuwa kong mag-aaral bilang isa sa mga beteranong guro na hardcore daw.

Noong unang araw ng klase, sinabi na niya na wala siyang mag-aaral na ine-exempt sa huling pagsusulit sa ikalawang (sa loob ng tatlong) termino. Sa panghuling termino lamang daw siya nagbibigay ng exemptions na ngangahulugan ng siguradong ‘A’ na peryodikong marka para sa terminong iyon. Subalit, isa ako sa tatlong mag-aaral na sa pagkakaalam ko’y una niyang in-exempt sa huling pagsusulit noong ikalawang termino pa lamang. Tinanong ko siya, “Ser, bakit po ako na-exempt, e ‘di po ba sa last term lang kayo nagbibigay ng finals exemption?” Wika niya sa akin, “E, ikaw lang ‘yong deserving, e.”

Aba, umabot sa tainga ang ngiti ko noon. Hindi naman sa pagmamayabang, pero bukod kasi sa sipag at talinong ginamit ko noong panahong iyon, gumamit din ako ng ilang taktika para maging estudyanteng “sipsip.” Sa tinagal-tagal ko sa larangan ng pagiging “estudyanteng sipsip,” masasabi kong dalubhasa na ako rito. Ngayon, ikaw naman ang tutulungan kong maging teacher’s pet. Aba, malay mo, dahil sa pagiging “sipsip,” awtomatikong perpekto na ang marka mo sa recitation grade mo. Ito na talaga. Ibubunyag ko na ang malagim kong sikreto.

5… 4… 3… 2… 1… 0

Sisimulan ko ang aking listahan sa mga dapat mong gawin sa unang araw ng klase.

Una sa lahat, kinakailangan ay mag-ayos ka ng hitsura. Lalaki ka man o babae, nararapat lang na kagalang-galang ang iyong hitsura sa klase. Bukod pa rito, pagpapakita ito ng respeto ‘di lamang sa iyong guro at sa asignaturang kanyang itinuturo, ngunit pati na rin sa iyong sarili. Sa madaling salita: dapat ay mukha kang tao.

Ikalawa, kung mag-aatas siya ng class beadle, kung kaya mo ang trabaho ay mabutihin mong magboluntaryo. Mas magiging malapit ka sa kanya dahil ikaw ang opisyal niyang magiging liaison sa klase. Ngunit, kung walang nagboluntaryo sa pagiging beadle at sinabi niyang bibigyan niya ng karagdagang puntos ang magboboluntaryo, huwag mong itataas ang iyong kamay. Magmumukha kang bonus points sa kanya, sa halip ay sundin mo na lamang ang susunod kong ituturong taktika.

Ikatlo, kung may ipinapagawa siya (halimbawa: basahin ang nakasulat/nakaflash sa pisara), agad kang magboluntaryo. Huwag mo itong babasahin nang malumanay (maliban lang kung talagang kinakailangan) kundi ay magmumukha at magtutunog kang parang sirang plaka. Basahin mo ito nang may kasamang damdamin. Kung kailangan mong umiyak, umiyak ka! Kung kailangan mong sumigaw, sumigaw ka! (Huwag ka namang sosobra sa emosyon dahil baka isipin naman ng iyong guro at mga kaklase ay humihithit ka ng damo.) Sa pamamagitan nito, maaalala ka agad ng iyong guro. Dagdag pogi (o ganda) points na agad iyon.

Ikaapat, huwag ka masyadong magtatanong ukol sa paraan ng pagmamarka o grade system na malamang ay kanyang tatalakayin ayon sa syllabus. Tingnan at basahin mo na lang ang syllabus ng kanyang klase. Iwasan mo masyadong magtanong ukol sa paraan ng pagmamarka kundi ay magmumukha kang “naghahabol lang ng marka.” Baka isipin ng iyong guro na hindi siya (oo, nagma-matter ito) o ang kanyang kursong ituturo ang iyong interes kundi’y ang iyong markang makukuha lamang. Mali iyon, bawas pogi (o ganda) points iyon.

Siguro, tapusin mo na lamang ang araw na iyon sa pamamagitan ng pamamaalam at pasasalamat sa iyong guro. Kung may pagkakataon, lapitan mo siya bago pa siya makalabas ng silid-aralan at doon mo siya batiin. Malaking bagay iyon sa kanila na malamang may ilang estudyante pa pala na nagmamalasakit at nagpapahalaga sa kanilang mga guro.

Ang susunod ko namang ituturong mga taktika ay kailangan mong gawin sa bawat sesyon ng klase (o kahit sa labas pa ng klase). Sa madaling salita, kinakailangan mo gawin ang mga ito nang paulit-ulit upang maalala ka at sana’y magustuhan ka ng iyong guro bilang kanyang estudyante.

Una, tuwing makikita mo siya, batiin mo siya. Hindi ito pagiging sipsip. Isa lamang itong pagbibigay respeto at pagpupunyagi sa iyong guro bilang isang bayani na iginugugol ang kanyang buhay upang makapamahagi ng galing at talino sa kanyang mga mag-aaral.

Pangalawa, tuwing may tanong siya (lalo na kung wala kang kaklaseng gusto o kayang sumagot ng kanyang tanong), agad kang magboluntaryo upang sagutin ito. Siguraduhin mo rin naman muna na mayroon kang maisasagot na may kabuluhan. Kahit hindi ito lubusang tama, basta lagi kang nagtataas ng iyong kamay, makikita ng iyong guro ang iyong kasipagan o effort. Minsan nga, sa pagbibigay ng ilang maling sagot at tuluyang pagtataas pa rin ng kamay, matutuwa pa ang iyong guro sa ’yo. (Nakatutuwa raw kasi iyon dahil medyo ‘makulit’ na ‘kyut’ kang tingnan.) Siguraduhin mo nga pala ang pinakauna kong payo – dapat ay mukha kang tao. Dahil kung hindi, baka mainis lang sa ‘yo ang guro mo. Haha!

Pangatlo, tuwing may tinatalakay siyang paksa o konsepto, naiintindihan mo man o hindi, kailangan ay tumingin ka lang lagi sa kanya. Kasama na rin sa diskarteng ito ang pag-iwas sa paggamit ng mga selepono kahit pa man hindi ito ipinagbabawal. Iwasan din ang pakikipag-usap sa mga katabi. Respeto lang din ‘yan, pare. Nagsasalita ang iyong guro; makinig ka. Higit pa sa akto ng pagtingin sa kanya, mabutihin mo ring sanayin ang sarili mo na tumango (upang magbigay ng simbolo ng pag-intindi o kumbaga ay “wow, ang galing ni Ser” factor) habang nagtuturo siya.

Pang-apat, kung nariyan lang sa tabi ang iyong guro, lalo na kung Literature o Filipino ang asignaturang kanyang itinuturo at lumapit ang iyong mga kaklase upang magtanong ukol sa babasahin, huwag mo siyang titingnan. Sagutin mo lamang ang iyong mga kaklase sa kanilang mga katanungan at ipakita o iparinig mo sa iyong guro na binasa at inintindi mong mabuti ang babasahin. Sinabi kong huwag mo dapat siyang tingnan upang hindi ka magmukhang “nagpapakitang tao” o “nagpapakitang estudyanteng masipag” lamang. Kunwari, ‘di mo siya nakita, sadyang tinutulungan mo lamang ang iyong mga kaklaseng nahihirapan sa asignaturang ito.

Panlima, matuto kang mag-notes! Ipakita mo sa iyong guro na talagang interesado ka sa kanyang itinuturo. Medyo self-explanatory na ata ang rason ng puntong ito. Basta, kopyahin mo na lang lagi ang nasa pisara!

Pang-anim, ‘pag nag-joke ang iyong guro, tumawa ka! Hindi naman sapilitang tawa na may halong pagiging sarkastiko ang iyong gagawin. Basta tumawa ka na lang! Makisali ka na lang sa uso, ‘ika nga nila.

Pampito, maging Magis kang estudyante. Tulad ng sabi ni San Ignacio de Loyola, “Do more, be more!” Kung nag-atas siya ng takdang aralin sa iyong klase, gawin mo ang lahat upang mag-stand out ang iyong gawain. Kung “isang salita mula sa diksiyonaryo” lamang ang hinihingi, ilagay mo na rin pati ang depinisyon nito, ngunit huwag mo rin kalilimutang banggitin ang iyong sanggunian. Subalit, may hanggahan din naman ang pagiging Magis, ‘pag sinabing “minimum of 50 words, maximum of 100 words,” huwag ka namang magbibigay ng 200 na salita. Ang tawag naman diyan ay “hindi pagsunod sa tamang panuto.”

Pangwalo, importante ito sa impresiyon ng iyong guro sa iyo. Kung mataas ang iyong marka sa mga pagsusulit na binibigay niya, huwag ka masyadong magtatanong ukol sa iyong mga grado. Subalit kung mababa ang iyong mga marka sa kanyang mga pagsusulit, magtanong ka ukol sa iyong mga grado at tanungin mo kung mayroon ba siyang maipapayo sa iyo upang gumaling ka sa kanyang asignatura. Ganito kasi ‘yan, kung mataas na nga ang mga marka mo at tanong ka pa nang tanong ukol sa iyong grado, baka isipin ng iyong guro na grado lang ang habol mo sa kanyang asignatura. Samantala, kung mababa ang iyong mga marka, kailangan mong ipakita sa iyong guro na may pagmamalasakit at pagpapahalaga ka sa asignatura niya at gagawin mo ang iyong makakakaya upang pumasa at makakuha rito ng mataas na marka.

At para sa aking pansiyam at panghuling payo para sa iyo: SUNDIN MO ANG AKING MGA PAYO. ‘Yan ang mga bagay na nakasanayan ko na sa pang-araw-araw kong pakikisalamuha sa iba’t ibang guro sa katagalan ng aking buhay mag-aaral. Masasabi ko namang hanggang sa pagsusulat ko ng blog entry kong ito, epektibo pa ang mga taktika ko.

Nagbigay ako ng ilang payo ayon sa aking karanasan bilang isang estudyante, bilang isang dakilang sipsip. Ikaw, handa ka na ba maging isang estudyanteng sipsip? Wala namang masama sa pagiging sipsip, ‘di ba?

Ikaw ang humusga. Naku po! Alam na ng aking guro sa Filipino ang mga taktika kong ginagamit upang maging… SIPSIP.

Jesse Brian B. Lui (122398), I – BS ME, FIL 12 – Y

Ang Iba’t ibang Uri ng mga Mag-aaral na Makatatrabaho Mo

Nasa unang baitang pa lamang ako sa mababang paaralan, kung ‘di naaatasan ay nagboboluntaryo na ako upang maging pinuno ng aking pangkat sa mga proyekto ng iba’t ibang mga asignatura. Mula mababang paaralan hanggang mataas na paaralan, naranasan ko na ang mamuno ng iba’t ibang pangkat para sa mga Science Investigative Project, mga Pagtatanghal para sa Araling Panlipunan, Dulang Panradyo sa Filipino, Dokumentaryo sa Filipino, Proyektong Fund-raising para sa Tulong-Dunong (Home Economics), at marami pang iba.

Sa dinami-rami na nang aking mga nakasalamuhang mga kasamahan sa bawat pangkat para sa mga proyekto ng asignatura, nakilala ko na rin ang mga uri ng mga mag-aaral na makatatrabaho mo rito. Kadalasan ay mayroong iba’t ibang istiryotayp ang mga mag-aaral para sa kanilang kapwa mga estudyante. Masasabi natin na andiyan ang sikat, ang manlalaro ng isports, ang ubod ng sipag at talino, at ang walang kaibigan.

Base naman sa aking sariling karanasan, mayroon na rin akong mga istiryutipo ng mga uri ng mga mag-aaral na posible mong makatrabaho sa mga pangkatang gawain – ‘yan ay KUNG magtatrabaho nga siya.

Si Batman

Siya ang pinakamahalagang miyembro ng pangkat. Oo, sa kanya rin iniaasa ng kanyang mga kasamahan sa grupo ang lahat ng mga gawain. Kadalasan, ako ang Batman ng grupo. Kung walang pakialam ang mga kasamahan ko, itinutuloy ko pa rin ang trabaho dahil kailangan. Nagpapasalamat na lang ako na kahit isang tao (ako ‘yun, syempre) lang ang gumagawa ng lahat ng trabaho, natatapatan nito ang mga pamantayan ng aking mga guro upang makakuha ng mataas na marka. Minsan, may posibilidad na magyabang o magmagaling si Batman sa mga kagrupo niya. Ngunit, kadalasa’y mayroon naman talaga siyang galing na ipakikita kaya hayaan na lang natin siya. Magpasalamat kayo kay Batman, kung ‘di dahil sa kanya, wala kayong puntos sa proyekto.

Si Walang Pakialam

Nakaiinis talaga ang taong ito. Ang sarap niyang paluin ng kawali sa ulo. Sa simula pa lamang ng trabaho ay wala na talaga siyang ipapakitang interes na tumulong sa pangkat. Makikita rin natin na sa katapusan ng proyekto ay ni minsa’y ‘di mo siya nahagilap sa kahit anong pagpupulong. Alam mo rin na wala siyang naitulong sa kahit anong aspekto ng inyong proyekto. Sana ‘di mo na lang siya naging kapangkat. Ngunit parang mas magiging masaya pa ang mundo kung ‘di na lang siya isinilang.

Si Hanggang Ideya Lang

Sa simula, sasabihin mo, “Thank you, Lord. Ang galing ng kagrupo ko.” Mapanlinlang ang pangunahing bahagi ng pagtratrabaho niyo sa pangkat. Napakarami niyang ideyang ibibigay sa pangkat. Mamamangha kayo sa talas ng kanyang isip. Magaling din siya magsalita, lider na lider ang dating. Ngunit ‘pag oras na upang magsimula na ng “seryosong trabaho” o ng mga pagsasanay, ‘di mo na alam kung saang kuweba siya nagtago. Aba, naglaho ang loko. Sasabihin nila, “Magaling sana siya, kung nandito lang siya.” Sasagutin ko sila, “Kung talagang magaling siya, dapat nandito siya. Dahil wala siya rito, puwes hindi siya magaling. Ungas siya.”

Si Paano Na

Magpapasalamat ka na sana at may nakasama kang matinong miyembro sa pangkat. Talagang alam mong may pakialam siya sa gawain niyo at lagi niyang itinatanong kung ano na ang gagawin o kung paano na ‘yung pagtatanghal. Walang hiya, hanggang doon lang pala ‘yon. Akala mo kung sinong concerned, ‘yon pala, ‘yong bibig lang ata niya ang may pakialam. Salita nang salita, wala namang ginagawa. Buhay nga naman, nakaiinis.

Si Makapal Ang Mukha

Hindi mo siguro iisiping makapal ang mukha niya sa una mong engkuwentro sa kanya. Ngunit mukhang mas malala pa pala ito kay Walang Pakialam. Biruin mo, wala siyang ginawa sa lahat ng mga paghahanda ninyo sa pagtatanghal, tapos bigla siyang lilitaw sa mismo oras ng pagtatanghal upang kunin ang trabaho ng pangunahing tauhan o ‘di kaya’y tagapagsalita para linlangin ang guro sa ideya na marami siyang ginawa para sa proyekto. Ang sarap batukan nito. Wala na ngang ginawa, ang kapal pa ng mukha. Para sa akin kasi, unang commandment sa mga pangkatang gawain ang, “Thou shall not take credit more other people’s work.”

Si Utusan Mo Ako

Minsan, magpapasalamat ka na lang at mayroon pang natitirang mga taong medyo matino-tino sa mundo. Siya itong uri ng kapangkat na titingnan ka lang. Wala talaga siyang gagawin hangga’t sinabi mo kung ano ang kailangan niyang gawin. Wala mang pagkusa, kahit papano naman ay ginagawa ang iniaatas gawain. Higit pa rito, kadalasa’y ‘di rin makapal ang mukha ng mga ganitong uri ng kapangkat. Hindi mo man maiaasa sa kanila ang paglikha ng PowerPoint o ang pagdirek ng sayaw, makikita mo naman ang kanilang pagpupunyagi upang makatulong sa pangkat.

Maliban kay Batman, wala akong direktang pinupuri o pinapaboran na uri ng kagrupo. O, puwede ko rin paburan na lamang si Utusan Mo Ako. Gayunpaman, para sa akin, lahat sila’y nakadepende lamang kay Batman. Oras na kumalas si Batman sa grupo, todas silang lahat. Kumbaga sa Adobo, si Batman ang karne, samantalang ang mga natira ay ang pampalasang suka, toyo, bawang at iba pa. Ano naman ang gagawin mo sa mga pampalasang iyon kung wala namang karne? Makes sense, ‘di ba?

Sa tinagal-tagal ko nang naka-eengkuwentro ang ganitong uri ng mga mag-aaral, hindi na rin siguro ako aasang magreretiro ako sa pagiging Batman ko. Marahil ay mayroon pang ilang mga uri ng mga miyembro na bibihira mong makasama. Kunwari, naging kapangkat ko si Crush na may sakit na tamaritis? ‘Di ko naman siya kayang sitahin dahil nga crush ko siya, magsasakripisyo na lang ulit ako upang gawin ang trabaho niya. Ano pa nga ba ang magagawa ko? Kailangan ko na nga mataas na iskor para makakuha ng mataas na grado. Kailangan ko pa siyang pahangain. Hay, buhay nga naman. #laslas.

Jesse Brian B. Lui (122398), I – BS ME, FIL 12 – Y